NADISKUBRE ang 600 kilong pork chorizo na walang kaukulang dokumento at tinangkang ipuslit sa Port of Surigao matapos ang isang linggong pagmamatyag ng mga operatiba ng Philippine Ports Authority (PPA) at Bureau of Animal Industry (BAI).
Base sa ulat, isinailalim sa surveillance operation ng mga tauhan ng PPA Port Police ang mga animal shipment matapos makatanggap ng impormasyon mula sa BAI na patuloy ang ilegal na transportasyon ng meat products sa iba’t ibang lugar sa Northern Mindanao.
Miyerkoles ng umaga, nasabat ng mga awtoridad ang isang cargo truck na may lulang chorizo pork.
Nang hanapan nina Port Police Corporal Donking Gonzalez at BAI Veterinary Agent Paz Lanzilay ng dokumento ay walang maipakita ang tsuper at tauhan ng cargo truck.
Agad namang ibinalik ng BAI ang nasabat na chorizo sa Cebu City alinsunod sa mga polisiya sa entry of livestock and poultry upang maiwasan ang posibleng pagkakaroon ng nakakahawang animal diseases sa lugar.
Sa kabila nito, sinabi ng PPA na walang inaresto sa naturang operasyon habang itinuro sa BAI kung kakasuhan ang mga nasa likod ng tangkang pagpapalusot ng karne sa rehiyon. (RENE CRISOSTOMO)
