BULACAN – Natimbog ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Plaridel PNP ang pitong hinihinalang mga drug peddler, kabilang ang tatlong umano’y tulak na buhat sa Tondo, Manila, at siyang nagbabagsak ng shabu, makaraang kumagat sa apat na magkakasunod na buy-bust operation sa bayan ng Plaridel sa lalawigang ito, kamakalawa ng gabi.
Base sa report kay P/Col. Lawrence B. Cajipe, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, kinilala ang mga arestado na sina Edgar Camua, at Rico Rial, kapwa nasa drug watchlist list ng Plaridel PNP; Evangeline Lazaro, 32; Mark Josep Correa; Eleonor Gonzalvo; Aileen Tongol, at Annaliza Manansala.
Ayon kay P/Lt. Col. Victorino Valdez, Plaridel police chief, unang nadakip ng DEU-Plaridel PNP ang suspek na si Camua sa Brgy. Sipat, Plaridel bandang alas-6:00 ng gabi.
Bandang alas-11:00 ng gabi nang muling magkasa ng tatlong buy-bust operation ang DEU operatives sa Brgy. Banga 1st at Brgy. Tabang, kapwa sa Plaridel, at nadakip ang anim na mga suspek kabilang ang tatlong umano’y tulak galing sa Tondo.
Mas lalong pinatindi ang drug war sa bayan ng Plaridel bunga ng direktiba ng PNP chief at ni P/Brig. Gen. Rhodel Sermonia, director ng Police Regional Office 3 (PRO3) at kanilang tinatarget ang mga tulak ng ilegal na droga partikular sa Sitio Dike na pugad umano ng mga drug pusher sa nasabing munisipalidad. (GINA BORLONGAN)
211 