8 WANTED PERSONS NASAKOTE NG BICOL PNP

DAHIL sa adbokasiya na “SAFE BICOL” ang Police Regional Office 5 ay patuloy ang paglulunsad nang malawakang operasyon kontra

kriminalidad at kampanya laban sa mga wanted ng batas.

Nadagdag sa huling datos ng PNP-PRO ang pagkakahuli sa walong “top ranking most wanted persons” sa probinsya ng Sorsogon at Masbate matapos ang ikinasang manhunt operation ng pulisya noong Lunes, Oktubre 4, 2021.

Sa Sorsogon, nabigyan ng tuldok ang pagtatago sa batas ng pitong indibidwal sa kamay ng batas. Tinawid pa ng mga kawani ng Sorsogon Police Provincial Office ang probinsya ng Samar upang dakpin ang rank 9 most wanted person (MWP) ng Matnog MPS.

Ang suspek ay kinilalang si Leny Borac y Capito, 55-anyos, may asawa, magsasaka at residente ng Brgy. Cabay, Balangcayan, Eastern Samar.

Si Borac ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na may piyansang P120,000.

Ayon kay PNP-PRO5 Spokesperson P/Maj Malou Calubaquib, nawakasan na rin ang pitong taon na pagkukubli ng rank 1 MWP ng Magallanes MPS para sa kasong pape. Ang akusado ay kinilalang si Larry Olimpo y Divinagracia alyas “Babog,” 50-anyos, may kinakasama at residente ng Brgy. Binisitahan Norte, Magallanes.

Nasakote naman sa Brgy. Poblacion, Bacon District, Sorsogon City ng pulisya ang rank 1 provincial MWP ng Sorsogon PPO na si Philip Filsan Dooc Siruno, 37-anyos. Ang nasabing suspek ay may walong bilang ng kasong rape batay sa ipinalabas na warrant of arrest ng RTC branch 51, Sorsogon City noong Mayo 6, 2019.

Magkakasunod ding nadakip ang tatlong city most wanted ng Sorsogon. Kabilang dito ang tinaguriang rank 1 MWP na si Andrew Barrameda Destajo, 29; rank 2 MWP na si Jayson Bolaños 28, at si Chito Deocareza Diolata, 34, pawang mga residente ng Brgy. Sawanga, Bacon District, Sorsogon City.

Ang mga ito ay nahaharap sa kasong rape na nakasaad sa warrant of arrest na ibinaba ng RTC Branch 53, Sorsogon City noong Oktubre 25, 2011.

Nakorner naman ng mga operatiba ang rank 1 MWP ng Gubat MPS para sa salang panggagahasa. Ito ay kinilalang si Lito Estabaya y Federio, 28, laborer at residente ng Brgy. Ogao, Gubat, Sorsogon.

Si Estabaya ay nahuli sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong rape na ipinalabas ng RTC, Branch 63, Calauag, Quezon noong Agosto 16, 2021.

Rehas na bakal din ang kinahantungan ng rank no. 3 MWP ng Pilar MPS na si Wilfredo Azuela y Marchan, 36, para sa kasong rape. Ito ay nakorner dakong alas-4:00 ng hapon sa Brgy. Cabid-an, Sorsogon City.

Samantala, dinampot naman ng mga operatiba ng Masbate Police Provincial Office and rank 3 MWP ng Mandaon MPS dakong alas-10:00 ng umaga sa Brgy. Poblacion, Mandaon, Masbate. Kinilala itong si Conrado Rubis y Rubia, 53, may asawa, at residente ng Purok Maligaya, Brgy. Poblacion ng nabanggit na bayan. Si Rubis ay may kasong rape na ibinaba ng RTC Br. 44, Masbate City, Masbate noong Setyembre 16, 2021.

Ang pagkakahuli sa mga wanted person na ito at bunga nang pagtutulungan at malakas na ugnayan ng komunidad at kapulisan.

Sa pamumuno ni Bicol PNP chief, P/BGen. Jonnel C. Estomo, nanatiling determinado ang PNP-PRO5 sa pagtataguyod ng dekalibreng serbisyong napapahalagahan at nakikita ng bawat miyembro ng komunidad.

“Kami po ay inyong kaisa upang linisin ang ating pamayanan sa banta ng panganib at kriminalidad sa ating rehiyon.

Muli po naming hinihingi ang inyong pagsuporta at pakikibahagi sa mga programa at inisyatibo sa pag-abot ng ating mithiin sa isang matiwasay at maunlad na pamayanan” ayon kay RD Estomo. (JESSE KABEL)

193

Related posts

Leave a Comment