HALOS walong daang libong ektaryang kabundukan ang nasakop at nasira na ng mga mining company sa buong bansa sa nakaraang tatlong dekada mula nang maipasa ang Philippine Mining Act of 1995 (PMA 95).
Ito ang napag-alaman ng grupo ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas na inaasahan niyang lolobo pa ang bilang na ito dahil nakatakdang mag-isyu umano ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng karagdagang 4,200 mga mining permit.
“For 30 years, this anti-people and anti-environment law has allowed foreign corporations to plunder our natural resources while displacing thousands of women, farmers, and indigenous peoples from their ancestral lands,” ayon kay Brosas.
Ayon sa mambabatas, umaabot na sa 779,446.41 ektaryang kabundukan ang naideklara bilang mga mining tenement subalit sa kabila nito ay 0.71 porsyento lamang ang naitulong ng mining sector sa Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas.
Sa kabilang banda, umaabot sa 397.2 bilyon ang mineral export ng Pilipinas noong 2023 kaya hindi ang mga Pilipino umano ang nakikinabang sa likas na yaman ng bansa kundi ang mga pinapaborang mga mining company.
“The exploitation of our natural resources under this law perfectly illustrates how our economy remains subservient to foreign interests! Our minerals are extracted in their raw form, exported for processing abroad, and then sold back to us at much higher prices!” pahayag ng kinatawan ng Gabriela Women’s party-list.
Bukod sa mga kabundukan na kinontrol na ng mga mining company ay patuloy na lumalawak din umano ang mapaminsalang ‘offshore mining’ sa mga probinsya tulad ng Cagayan, Pangasinan, Ilocos at Cavite.
Dahil dito, nawawalan umano ng kabuhayan ang mga mangingisda sa mga nabanggit na lalawigan at nagiging sanhi din umano ang walang habas na pagmimina sa matinding pagbaha tulad ng naranasan ng Palawan at Oriental Mindoro kamakailan lamang.
“Sino ang nagdurusa? Hindi ang mga korporasyon at mga protektor na politiko kundi ang mga kababaihan at kanilang pamilya na nawalan ng tahanan, kabuhayan at minsan ay buhay pa!” mariing pinunto ni Brosas. (PRIMITIVO MAKILING)
