ITO ang dahilan kaya nakikipag-ugnayan ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para makakuha agad ng clearance sa iba’t ibang korte para upang agad wasakin ang tinatayang 809 kilo ng shabu na nasabat sa serye ng anti-narcotics operation sa Zambales, Bataan at Cavite.
Inihayag ni PNP chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar na kanyang inatasan ang PNP Legal Service na tumulong sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG) at iba pang Drug Enforcement Units sa paghahanda ng mga legal na dokumento para ihain sa korte at hilingin na wasakin agad ang mga ilegal na drogang nakumpiska sa anti-illegal drug operations.
Ayon kay P/Gen. Eleazar, “In coordination with the PDEA which is the lead agency in the operations in Zambales, Bataan and Cavite, we will seek clearance from various courts concerned for the immediate destruction of the more or less 809 kilos of shabu confiscated in these operations. Our legal actions will also cover all the other illegal drugs confiscated in other operations”.
Sinabi pa ng heneral, “Ito ay batay na rin sa kautusan ng ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sa lalong madaling panahon ay masira na ang mga ilegal na drogang ito upang maiwasan ang mga alegasyon at mga haka-haka ng drug recycling, kahit pa nga malabo nang mangyari ito dahil sa mas pinahigpit pang mga patakaran ukol sa chain of custody”.
Nakasaad sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na dapat magsagawa ng isang ocular inspection ang korte sa mga nakumpiska o nasabat na ilegal na droga o iba pang sangkap sa paggawa nito sa loob 72-oras matapos maisampa ang kasong kriminal at matapos naman ang 24 oras mula nang mabisita ay agad sisimulan ng PDEA ang pagwasak o pagsunog sa mga iyon, ngunit dapat ay may maiwang sample na kasing bigat ng mga winasak.
Sinabi pa ni P/Gen. Eleazar, sasamantalahin na rin nila ang inilabas na Memorandum Circular ng Korte Suprema ngayong taon na nagpapaalala sa mga korte sa buong bansa na bilisan ang pagwasak sa mga nasabat na ilegal na droga sa iba’t ibang operasyon.
Pinaalalahanan ng SC circular ang lahat ng Regional Trial Courts na mahigpit na sundin ang mga itinatadhana ng Section 21(4) ng Republic Act 9165 hinggil sa agarang pagsira ng mga nasasabat na ilegal na droga.
Gayundin, pinayuhan ng Korte Suprema ang mga lower court na gawing prayoridad ang pagwasak sa mga ilegal na droga na tumitimbang ng limang kilo pataas, “In cases where the illegal drugs seized are physically brought to the court, the court shall issue the order of destruction thereof within 24 hours therefrom”.
Nagkakahalaga ng P5.5 bilyon ang nasabat na 809 kilo ng shabu sa mga operasyon sa Zambales, Bataan at Cavite na siyang pinakamalaki para sa taong ito.
“Tinitiyak ko sa ating mga kababayan na fully-accounted ang mga nakumpiskang mga droga sa lahat ng operasyong ginawa namin ng PDEA at ginagawa na namin ang lahat ng legal na paraan upang masira na ito in the soonest possible time,” dagdag ng PNP chief. (JESSE KABEL)
