9 MANGINGISDA NASAGIP SA TUMAOB NA BANGKA

SIYAM na mangingisda ang nasagip ng mga mga tauhan ng PNP Police Regional Office 5 na nasa pamumuno ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, sa karagatan matapos tumaob ang sinasakyan nilang fishing boat malapit sa baybayin ng Mercedes town sa lalawigan ng Camarines Norte.

Ayon sa ulat na ibinahagi ni PNP-PRO5 Public Information Office chief, Police Major Malou Calubaquib, matapos na makatanggap ng distress call ay agad nagbuo ng rescue team ang mga tauhan ng Jose Panganiban Municipal Police Station at Camarines Norte Maritime Police Station para saklolohan ang mga tripulante nang tumaob na bangka.

Dakong alas-3:00 ng noong Martes nang masagip ang mga mangingisda na kinilalang sina Edgardo Dumas y Abacerdo, 49; Rodrigo De Jesus y Alicio, 34; Domingo Madera y Roldan, 35; Vicente Santos y Bonifacio, 53; Jemson Sumalinog y Chitcherico, 28; Jhon Evan Dumos y Sumalinog, 25; Nestly P. Jerusalem, 31; Jomar Balmaceda y Marquez, 25; at Angelito Noynay y Alicio, 41, pawang mga residente sa Barangay Calero, Jose Panganiban, Camarines Norte.

Ang mga ito ay ligtas nang nakauwi sa kanilang mga tahanan sa tulong ng pulisya. Naghatid din ng kaunting tulong ang Jose Panganiban MPS sa nasabing mga mangingisda upang may maipantustos sa kani-kanilang pamilya habang sila ay hindi pa nakakapalaot.

Pinuri ni Bicol PNP chief, P/BGen. Estomo ang mga operatibang nanguna sa pagbibigay ng tulong sa mga mangingisda.

Aniya, ito ay patunay na ang PNP Bicol ay determinadong maghatid ng tulong at umagapay sa mga Bicolano. (JESSE KABEL)

238

Related posts

Leave a Comment