ILOCOS SUR – Nanalasa ang isang buhawi sa bayan ng San Ildefonso sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.
Nakuhanan ng video ng maraming residente ang pananalasa nito.
Sa video na kuha ni Zumi Ancheta, makikita na may malawak at mababang kaulapan sa lugar bago nabuo ang buhawi sa may bahagi ng Barangay Busing Norte.
Agad namang nagsipagpasukan sa kanilang bahay ang mga residente.
Halos tumagal ng 15 minuto bago nalusaw ang nasabing buhawi.
Ayon sa ulat ng San Ildefonso MDRRMO, may dalawang bahay na partially damaged habang isa naman ang totally damaged sa Barangay Poblacion East makaraang manalasa ang buhawi.
Wala naman naitalang nasaktan o nasugatan sa pananalasa nito.
Samantala, ayon sa PAGASA, magkaiba ang buhawi at ipo-ipo. Ang buhawi o tornado ay nabubuo sa ibabaw ng lupa samantalang ang ipo-ipo o water spout ay nabubuo naman sa ibabaw ng tubig.
Subalit pareho aniyang may dalang panganib ang dalawa lalo na’t ito ay may kalakihan at kalakasan.
(NILOU DEL CARMEN)
324