KANDIDATONG TSERMAN, LIVE-IN PARTNER PATAY SA PAMAMARIL

SAMAR – Patay ang isang kandidato sa pagka-barangay chairman at ang live-in partner nito matapos na pagbabarilin ng anim na hindi kilalang mga suspek sa kanilang bahay sa Brgy. Campeig, sa bayan ng Sta. Margarita, sa lalawigang ito, noong Miyerkoles.

Kinilala ng Eastern Visayas Regional PNP office ang mga biktimang sina Roel Casaljay, 43, at Vivian Verano, 49-anyos.

Batay sa report, wala na parehong buhay ang mga biktima nang datnan sa kanilang bahay na nasa remote area, at may layong nasa tatlong oras na paglalakad mula sa poblacion ng Sta. Margarita.

Lumalabas sa imbestigasyon na pinaulanan muna ng bala ang bahay ng mga biktima at pagkaraan ay pinasok at pinagbabaril ang mga ito.

Tinamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na agad na ikinamatay ng mga ito.

Narekober ng mga imbestigador mula sa crime scene ang mga basyo ng bala ng hindi pa matukoy na uri ng baril. Nakuha rin sa lugar ang isang .45 caliber pistol na kargado ng mga bala.

Ayon sa mga nakasaksi sa krimen, agad tumakas ang mga suspek patungo sa bulubunduking bahagi ng barangay.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen habang nagsasagawa ng follow-up at hot pursuit operation ang magkasamang pwersa ng PNP at military para mahuli ang mga suspek.

Si Casaljay ay naghain na ng certificate of candidacy bilang kandidato sa pagka-chairman ng kanilang barangay.

(NILOU DEL CARMEN)

187

Related posts

Leave a Comment