ISINUSULONG ni Senador Mark Villar ang mas mahigpit na seguridad at mas handang emergency response sa mga paaralan sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2321 o ang Learning Institution’s Guaranteed Threat Avoidance and Safety Act (LIGTAS Act).
Ito ay kasunod ng mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga estudyante at school personnel sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga insidenteng binanggit ng senador ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City at magkahiwalay na pananaksak sa Cavite at Las Piñas.
“Masakit na paalala ang mga insidenteng ito na maaaring mangyari ang karahasan kahit sa lugar kung saan dapat pinakaligtas ang ating mga anak. Hindi natin pwedeng hayaang maging normal ang takot sa loob ng paaralan. Kailangan nating kumilos bago may isa na namang buhay na mawala,” ani Villar.
Layunin ng LIGTAS Act na magtatag ng iisang school safety framework para sa lahat ng pampubliko at pribadong basic education institutions mula Kindergarten hanggang Grade 12.
Kabilang sa mahahalagang probisyon ng panukala ang mas mataas na police visibility, coordinated threat assessments, direktang emergency hotlines sa police, fire at response units, at agarang pag-abiso sa mga magulang sa oras ng emergency.
Nakasaad din sa panukala ang pagkakaroon ng sapat na first-aid at emergency equipment, gayundin ng trained medical personnel at security guards sa mga paaralan.
Itinatakda rin ng panukala ang strategic installation ng closed-circuit television (CCTV) cameras at security screening systems, pati na ang regular na school safety and security training para sa mga estudyante at school personnel.
Isa ring mahalagang probisyon ng panukala ang pagtatatag ng School Safety Council sa bawat lungsod at munisipalidad na bubuuin ng mga kinatawan mula sa local government units, education sector, police, fire and disaster response units, mga paaralan at mga magulang.
Ayon kay Villar, magiging responsable ang konseho sa pagbuo ng mga polisiya sa kaligtasan na angkop sa kanilang lugar, pag-uugnay ng emergency response efforts at pagsubaybay sa pagsunod ng mga paaralan sa itinakdang safety standards.
“Ang kaligtasan ng ating mga estudyante ay responsibilidad nating lahat. Kailangan ang koordinasyon ng mga paaralan, local governments, law enforcement, emergency responders, teachers at parents para mapanatiling ligtas ang ating mga anak,” ani Villar.
Dagdag pa ng senador, layunin ng LIGTAS Act na makalikha ng mas ligtas at mas handang mga paaralan kung saan protektado ang bawat estudyanteng Pilipino laban sa karahasan, sakuna at iba pang emergency situations.
(DANNY BACOLOD)
58 