AFP AT BOC, NAGKASUNDO SA PAGPAPALAKAS NG BORDER SECURITY KONTRA SMUGGLING

Nagkasundo ang Bureau of Customs (BOC) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na palakasin ang border security ng bansa matapos lagdaan ang isang Memorandum of Understanding (MOU) na naglalayong paigtingin ang seguridad sa mga hangganan at labanan ang smuggling.

Pormal na nilagdaan ang kasunduan nina BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno at AFP Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner Jr. sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.

Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng kasunduan ang pagbuo ng Joint Coordination Committee (JCC) na magsisilbing pangunahing policy at oversight body para sa implementasyon ng MOU.

Ang JCC ang magiging responsable sa pagbuo ng ligtas at epektibong mga mekanismo ng koordinasyon sa pagitan ng dalawang ahensya, kabilang ang pag-apruba ng priority information requirements at coordination procedures.

Ayon kay Commissioner Nepomuceno, ang smuggling ay hindi lamang isang krimeng pang-ekonomiya kundi isa ring usaping may kinalaman sa pambansang seguridad.

Sinabi ng opisyal na ang pakikipagtulungan ng BOC sa AFP ay magpapalakas sa kakayahan ng pamahalaan na protektahan ang mga hangganan ng bansa, buwagin ang mga smuggling network at mapangalagaan ang kita ng gobyerno.

Sa ilalim ng kasunduan, itatatag din ang Joint Trade-Security Validation Cells na magsasagawa ng pagsusuri, beripikasyon at koordinasyon ng intelligence at security information kaugnay ng smuggling, strategic goods diversion, foreign-linked entities at iba pang banta sa seguridad ng kalakalan.

Saklaw rin ng kasunduan ang pagpapalitan ng impormasyon, capacity building, operational support at legal cooperation sa pagitan ng dalawang ahensya.

Mananatili naman ang pangunahing awtoridad ng Bureau of Customs sa pagpapatupad ng customs laws habang magsisilbing katuwang na ahensya ang Armed Forces of the Philippines sa mga kaugnay na operasyon.

Ayon naman kay Gen. Brawner, ang pangangalaga sa mga hangganan ng Pilipinas ay isang magkatuwang na responsibilidad ng buong pamahalaan.

Dagdag pa ng heneral, ang kasunduan ay patunay ng nagkakaisang pagsisikap ng pamahalaan upang mapanatili ang pambansang seguridad, maprotektahan ang lehitimong kalakalan at maisulong ang mas malawak na interes pang-ekonomiya ng bansa.

(JESSE RUIZ)

56

Related posts

Leave a Comment