MAS pinadali pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang proseso ng pagre-renew ng prangkisa ng mga sasakyang ginagamit sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa ilalim ng Authority to Operate Certificate (ATOC), kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na gawing mas mabilis at maginhawa ang mga transaksyon sa gobyerno.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, layunin ng hakbang na palakasin ang implementasyon ng Memorandum Circular No. 2026-049 na nagbibigay ng mas mahabang bisa sa Certificates of Public Convenience (CPCs) ng mga TNVS operator.
Sa ilalim ng naturang memorandum circular, ang bisa ng CPC para sa TNVS ay pinalawig ng limang taon sa ilalim ng Authority to Operate Certificate (ATOC).
Sinabi ni Mendoza na hindi na kinakailangang magsumite ng aplikasyon para sa renewal o motion for conversion ang mga TNVS operator dahil awtomatikong iko-convert sa ATOC ang kanilang umiiral at balidong CPC.
Sa advisory na inilabas ng LTFRB noong Hulyo 14, binigyang-diin ng ahensya na lahat ng CPC na may bisa sa pagsisimula ng implementasyon ng circular ay awtomatikong iko-convert bilang ATOC nang walang karagdagang aplikasyon o bayarin.
Saklaw din ng naturang polisiya ang mga CPC na sumasaklaw sa mga awtorisadong unit na gumagamit ng non-internal combustion engines o non-ICE vehicles.
Pinayuhan din ng LTFRB ang mga operator na malapit nang mag-expire ang kanilang CPC na hindi na kinakailangang magsumite ng aplikasyon para sa renewal dahil awtomatiko na itong saklaw ng conversion sa ilalim ng Section 14(a) ng memorandum circular.
Ayon pa kay Mendoza, maaaring humiling ng pormal na kopya ng converted ATOC ang isang operator sa pamamagitan ng pagsusumite ng Manifestation sa Legal Division ng LTFRB o sa Legal Section ng Regional Franchising and Regulatory Office na may hurisdiksyon sa kanilang lugar.
Nilinaw ng opisyal na walang kaukulang bayad sa paghahain ng Manifestation at sa pag-isyu ng converted ATOC.
(PAOLO SANTOS)
58 