OLIGARCHS LANG MAKIKINABANG SA BAGONG DA SEC

WALANG ibang makikinabang sa bagong secretary ng Department of Agriculture (DA) kundi ang tulad nitong mga oligarch at hindi ang mga ordinaryong magsasaka na lalong nilugmok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kahirapan.

Bukod dito, itinuturing ng Amihan National Federation of Peasant Women (Amihan) ang pag-aappoint ni Marcos kay Sec. Francisco Tiu-Laurel Jr., bilang ‘insulto’ sa mga magsasaka dahil isa umano itong oligarch.

“Walang maaasahan sa bagong agriculture secretary dahil hindi nito pakikinggan ang mga magsasaka at mangingisda na solusyunan ang krisis sa pagkain at agrikultura batay sa interes nito.

Ipagpapatuloy lamang niya ang mga neoliberal na polisiya at liberalisasyon sa agrikultura kagaya ng rice liberalization law at matinding importasyon sa bansa,” ani Zenaida Soriano, Amihan National Chairperson.

Kahapon ay kabilang ang grupo ni Soriano sa iba’t ibang grupo ng mga magsasaka na nagsagawa ng kilos protesta sa national office ng DA sa Elliptical Road, Quezon City kasabay ng unang Lunes ni Laurel sa kanyang trabaho.

Hindi umaasa ang nasabing grupo na magkaroon ng pagbabago sa sektor ng agrikultura sa ilalim ng Marcos-Laurel tandem sa DA dahil tiyak at inaasahan na gagamitin lang umano ng mga ito ang kanilang posisyon para lalong lumaki ang kita ng kanilang negosyo kasama na ang kapwa nila oligarchs.

“Ang mandato ng DA ay hindi para sa kanilang negosyo kaya dapat magkaisa at mapagbantay ang mga magsasaka at mamamayan dito. Dapat matuto na tayo sa naging pamamahala ni Marcos Jr. sa departamentong ito na puro panlilinlang at walang kongkreto at komprehensibong nagawa para masolusyunan ang krisis sa pagkain at agrikultura at suportahan ang mga magsasaka at mangingisda,” ayon pa kay Soriano.

Si Laurel ay kabilang sa mga campaign donor ni Marcos noong panahon ng kampanya kung saan umaabot umano ng P50 million ang donasyon nito, at magkababata at magkaibigan ang mga ito noon.

Bago ito itinalaga ni Marcos bilang DA Secretary, kilalang isang fishing tycoon si Laurel at ang kumpanyang Frabelle Fishing Corporation (FFC) na pag-aari nito ay nasa likod din umano ng 420 ektaryang reclamation projects sa Cavite na naging dahilan para mawalan ng kabuhayan ang mga mangingisda sa nasabing lalawigan.

(BERNARD TAGUINOD)

314

Related posts

Leave a Comment