CAVITE – Arestado ang tatlong kabataan na may edad 12-anyos hanggang 15-anyos, sa aktong namumutol ng mga kawad ng kuryente sa CALAX, sa bayan ng Silang, sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek na sina alyas “Joshue”, 12; “Kenneth”, 15, at “Clarence”, pawang mga residente ng Brgy. Acacia, Silang, Cavite, dahil sa reklamo ni Karla Carizza Buhay Orozco, CALAX representative.
Ayon sa ulat ni Police Corporal Ralph Jayson Santos ng Silang Police Station, dakong alas-1:30 ng hapon nang mangyari ang insidente sa KM 29 + 520 Cavite Bound, CALAX, Brgy. Sabutan, Silang, Cavite.
Una rito, nagtungo ang tatlong kabataan sa Cavite Laguna Expressway o CALAX kung saan pinutol ang mga kawad ng kuryente.
Gayunman, tiyempo namang nagsasagawa ng inspeksiyon ang mga security guard at naaktuhan ang mga suspek habang bitbit ang nasabing mga kawad ng kuryente na tinatayang 4 na kilos at P1,400 ang halaga, na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
(SIGFRED ADSUARA)
155