Kapag Ang Takot ay Kasama sa Pagpasok sa Paaralan

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

ISA sa mga bagay na hindi ko kailanman inasahang mababasa sa balita ay ang salitang “school shooting.” Madalas natin itong marinig sa ibang bansa. Madalas din natin itong makita sa mga pelikula. Pero ngayon nangyari ang trahedya sa Tacloban City na ikinasawi ng ilang estudyante at ikinasugat pa ng iba, hindi lang lungkot ang naramdaman ko. Mas nangingibabaw ang pangamba. Parang may isang tanong na paulit-ulit na bumabalik sa isip ko. Bakit tila mas dumarami ang ganitong mga insidente?

Noon, kapag may gulo sa paaralan, madalas ay simpleng sigawan o suntukan lamang.

Hindi maganda, pero karaniwan. Ngayon, parang ibang klase na ang nakikita natin. Mas matindi ang galit. Mas mabigat ang karahasan. At ang mas nakagugulat, may mga kabataang tila handang gawin ang mga bagay na dati ay hindi natin maiisip na kayang gawin ng isang estudyante.

Ang ikinatatakot ko ay hindi lamang ang nangyari sa Tacloban. Ang ikinatatakot ko ay ang posibilidad na may ibang kabataang nagbabasa rin ng parehong balita at nakakikita rito ng isang bagay na hindi dapat tularan. Kapag paulit-ulit na lumalabas ang mga ganitong pangyayari, hindi maiiwasang may ilang taong maimpluwensiyahan, lalo na kung mayroon na silang parehong galit o sama ng loob. Hindi lahat ay maaapektuhan, pero sapat na ang iilan para magkaroon ng panibagong trahedya.

Sa tuwing may ganitong pangyayari, laging may nagtatanong kung sino ang dapat sisihin.

Para sa akin, hindi maikakaila na may bahagi rito ang mga magulang. Hindi perpekto ang pagpapalaki ng anak. Walang magulang na kayang bantayan ang kanilang anak sa bawat segundo ng araw. Ngunit may mga bagay na hindi dapat napababayaan.

Sa totoo lang, may mga pagkakataong naiisip ko kung gaano karaming magulang ang tunay na nakakikilala sa sariling anak. Alam ba nila kung ano ang iniisip nito, sino ang mga kasama nito, at anong klaseng galit o problema ang dinadala nito araw-araw?

Hindi ko sinasabing kasalanan agad ng mga magulang sa tuwing may batang masasangkot sa isang krimen o marahas na insidente. May mga anak na kahit anong gabay ang ibigay ay gumagawa pa rin ng maling desisyon. May mga batang sadyang mahirap disiplinahin. Ngunit bilang magulang, hindi rin pwedeng mawalan ng pakialam.

Kung may nakikitang pagbabago sa ugali ng anak, kung palagi itong galit, malayo sa pamilya, o tila may mabigat na pinagdaraanan, dapat may nag-uusisa at nakikinig.

Mas mahirap tanggapin kapag lumalabas na hindi alam ng ilang magulang ang nangyayari sa sariling tahanan. Hindi nila alam kung ano ang pinapanood ng anak, sino ang nakauusap nito, o kung ano ang unti-unting nabubuo sa isip nito. Hindi man lahat ng problema ay kayang pigilan, mas malaki ang posibilidad na lumala ito kapag walang nakapapansin.

Mas seryoso pa ang usapin ng mga baril. Batay sa mga ulat, isa sa mga ginamit sa insidente ay isang rehistradong baril na napunta sa kamay ng menor de edad. Bilang ordinaryong tao, mahirap na hindi magtanong kung paano ito nangyari. Ang baril ay hindi laruan. Hindi ito bagay na dapat naaabot ng bata anomang oras na gustuhin niya.

Kasabay nito, naiisip ko rin ang hirap ng ilang magulang sa panahon ngayon. May mga anak na kahit anong payo at disiplina ay tila hindi nakikinig. May mga batang matitigas talaga ang ulo. May mga batang gumagawa ng desisyon na kahit ang sariling magulang ay hindi inaasahan. Totoo iyon. Ngunit hindi rin dahilan iyon para tumigil sa paggabay.

Ang masakit sa lahat, may mga estudyanteng pumasok noong araw na iyon para mag-aral, makipagkuwentuhan sa mga kaibigan, at mangarap para sa kanilang kinabukasan.

Hindi nila inaasahang ang isang ordinaryong araw sa paaralan ay magiging araw na babago sa buhay ng napakaraming tao.

Kapag humupa na ang usapan tungkol sa insidenteng ito, mananatili pa rin ang mga tanong. Bakit may mga kabataang umaabot sa puntong kaya nilang manakit o pumatay?

Bakit may mga baril na napupunta sa maling kamay? At gaano karami sa ating mga matatanda ang talagang alam ang nangyayari sa isip ng mga batang kasama natin araw-araw? Hangga’t wala tayong malinaw na sagot sa mga tanong na iyon, mahirap maging panatag sa tuwing magpapaalam ang isang estudyante na papasok lamang sa paaralan para matuto.

77

Related posts

Leave a Comment