SUGATAN ang isang hinihinalang holdaper makaraang barilin ng isang pulis matapos na unang magpaputok habang nakaparada ang kanilang motorsiklo at umano’y nag-aabang ng mabibiktima sa Bacoor City, Cavite noong Martes ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa Southern Tagalog Regional Hospital ang suspek na si alyas “Sherwin”, 26, isang installer, ng Barangay Molino, dahil sa tama ng bala sa katawan habang tinutugis ang kasamahan nito na si alyas “Erwin” na tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa salaysay ni Pat. Joseph Agsunod ng Bacoor Component City Police Station, nagmamaneho siya ng kanyang motorsiklo pauwi at habang binabagtas ang kahabaan ng Riverdrive, Brgy. Molino 3, Bacoor City, Cavite bandang alas-6:00 ng umaga nang mamataan nito ang mga suspek habang nakaistambay at nakaupo sa isang nakaparadang motorsiklo.
Dahil sa kanilang kahina-hinalang ikinikilos, tinangka ni Agunod na tumigil sa lugar subalit agad umanong nagpaputok ang isa sa suspek dahilan upang gumanti siya ng putok na nagresulta sa pagkakabaril kay “Sherwin” habang nakatakas ang kasamahan nito.
Nakuha mula kay Sherwin ang isang kalibre .38 na baril na Smith and Wesson na walang serial number, apat na bala at isang cartridge case na may bala.
Nahaharap ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
(SIGFRED ADSUARA)
82 