Ilang administrasyon na rin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nagdaan at palaging nagkakaroon ng patakaran na pagbabawal ng mga provincial buses na bumiyahe sa EDSA pero madalas na ningas cogon lang o sa simula lang ang ganitong polisiya at pagkatapos ay balik din sa dati.
Lumalakas tuloy ang duda na malakas mag-lobby ang mga operator ng provincial buses kung saan ilang kilalang pulitiko sa Norte ang mga nagma-mayari ng mga malalaking terminal ng bus sa EDSA.
Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino, sinikap ipagbawal ang mga provincial buses galing ng Timog Katagalugan sa pamamagitan ng paglalagay ng common terminal sa Uniwide Mall complex sa Pasay City pero hindi ito naging tagumpay dahil na rin sa reklamo ng mga commuter.
At sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay muling ipagbabawal ang mga provincial buses sa EDSA kasabay ng pag-aalis ng mga terminal nito sa EDSA partikular sa Quezon City at Pasay City kung saan matatagpuan ang napakaraming terminal ng provincial buses.
Sa ilalim ng bagong iskema ng MMDA, dalawang terminal ang puwedeng pagbabaan ng mga pasahero mula sa Timog Katagalugan at ito ay ang terminal sa Sta. Rosa, Laguna at ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Ang Valenzuela Integrated Bus Terminal sa lungsod ng Valenzuela ang gagamitin naman na babaan at sakayan ng mga pasahero patungong Norte nang sa gayon ay tuluyan nang lumuwag ang EDSA partikular sa Balintawak area sa Cubao na kapwa sakop ng Quezon City.
Layunin ng MMDA na tuluyang alisin ang 47 bus terminal sa kahabaan ng EDSA na isang malaking dahilan sa masikip na daloy ng trapiko kahit pa nagkaroon ng bus lanes na hindi rin sinusunod ng mga driver ng bus.
Kahapon dapat ang dry run ng pagbabawal ng provincial buses sa EDSA pero gaya ng inasahan, imbes na sumunod ang mga driver ng bus ay puro reklamo ang maririnig sa kanila pati na rin sa mga commuter na nagrereklamo ng dagdag na pasahe at dagdag na oras ng biyahe para sa kanila.
Pati nga ang Provincial Bus Operations Association of the Philippines ay naging tagapagsalita na ng mga commuter dahil lang dagdag na pasahe at dagdag na oras ng biyahe ang kanilang ipinangangalandakan para tutulan ang bagong plano ng MMDA.
Hindi mauubos ang reklamo ng mga bus operator at bus driver dahil natural sa kanila na tumutol sa ano mang pagbabago na nais ipatupad ng MMDA dahil nahirati na sila sa dating sistema ng pagbababa at pagsasakay ng pasahero sa EDSA.
Target ng MMDA na ipatupad ang pagbabawal sa mga provincial buses sa EDSA sa simula ng buwan ng Hunyo at kung seryoso ang MMDA sa kanilang plano at dapat magpakita ng katigasan ang mga opisyal nito.
Puwede nilang simulan ang kanilang pagiging matigas sa pamamagitan ng pagtataas ng multa sa mga bus driver na lalabag dito mula P500 ay gawing P2,000 para mas maging mabigat sa bulsa ng mga driver at operator ng provincial buses.
Kailangan lang na maging hardline ang MMDA sa pamumuno ni Chairman Danilo Lim na kilalang astig noong commanding general pa siya ng Scout Ranger Regiment ng Philippine Army. At ngayon natin kailangan ang bangis ni Gen. Lim para tuluyan ng mawala ang mga bus terminal sa EDSA. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
532