REP. NOGRALES BINISITA MAGSASAKA, FARM-TO-MARKET ROAD PROJ. SA MONTALBAN

BINISITA ni Congressman Fidel Nograles ang Mt. Parawagan, Brgy. San Rafael, Montalban kasama ang kanyang mga katuwang sa pagpapalawak at pagsasaayos ng mga kalsada sa kanyang nasasakupan sa ikaapat na distrito ng lalawigan ng Rizal.

Katuwang ni Cong. Nograles sa kanyang proyektong Farm-to-Market Road ang Department of Agriculture (DA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Layunin ni Nograles na mapabilis ang paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan sa malalayong lugar tulad ng kabundukan sa Brgy. San Rafael.

Dahil bulubundukin ang nasabing barangay, hirap ang mga residente na magbaba ng kanilang produkto sa mga pamilihang bayan.

Dahil dito, nakipag-ugnayan si Nograles sa pangulo ng iba’t ibang samahan ng mga magsasaka doon upang alamin kung paano niya ilalapit sa mga palengke ng bayan ang kanilang mga produktong agrikultural.

Samantala, kamakailan ay binisita rin ni Nograles ang Southville 8B, Brgy. San Isidro upang magbigay ng tulong pangkabuhayan at panimulang puhunan para sa mga nangangalakal at naghahakot ng basura, nangangariton, magbabakal, magbobote, magsasaka, magbababoy, at magmamanok.

Aniya, “bagamat may karagdagang puhunan pang-negosyo na po tayo na maaaring ipambili ng trisikad, kariton, at mga kagamitan para sa negosyong junkshop, patuloy naman po tayong nakaagapay at nakaalalay upang palaguin at pagyamanin ang mga maliit na negosyo”.

Si Nograles ang chairman ng House committee on labor and employment kaya nais niyang magkaroon ng kabuhayan ang bawat mamamayang Pilipino hindi lang sa kanyang distrito sa Montalban kundi maging sa buong bansa sa pamamagitan ng mga panukalang batas na nagpoprotekta sa mga manggagawa.

(JOEL O. AMONGO)

384

Related posts

Leave a Comment