THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
HINDI na natin maitatanggi ang matinding epekto ng climate change hindi lamang sa Pilipinas, na alam naman natin na isa sa pinaka-vulnerable dito, kundi sa buong mundo.
Maraming mga kampanyang nagsusulong ng environmental protection na pawang maganda ang mga adhikain, pero dahil sa lawak nito, hindi madali para sa marami sa atin na makilahok dito.
Sino nga naman ang mag-iisip ng kalikasan kung napakarami nang personal na problema na kailangang tugunan at solusyunan?
Kaya sa aking palagay, napakahalaga pa rin na hindi magsawang palaganapin ang awareness tungkol sa usaping ito. Maaari ngang hindi mapansin, o hindi mag-resonate pero kahit papaano, hindi tayo dapat magsawang isulong ito dahil lahat tayo ay apektado nito.
Nakatutuwa nga na mayroong mga aktibidad at kaganapan na nagsusulong ng pagiging makakalikasan sa simpleng pamamaraan.
Katulad na lamang nitong isang concert na pinuntahan ko kamakailan, kung saan bago magsimula ang tugtugan ay inilahad ang mga ginagawa nila sa usapin ng environmental stewardship.
Isinulong rin nila ang simpleng pamamaraang pwedeng gawin ng kahit na sino, kagaya ng collective conservation at maayos na waste management.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, nasa 61,000 metric tons na solid waste ang na-ge-generate ng bansa —na tinatantyang katumbas ng 37 na Olympic-size swimming pools.
Napakarami nito at nakababahala, kaya isa ito sa aspetong dapat talaga tinitingnan kung paano masosolusyunan — lalo na’t lahat tayo ay siguradong may kontribusyon dito.
Mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng mga kumpanyang may kakayahang patuloy na makagawa ng pagbabago at makatulong na mapalaganap pa ang kahalagahan ng aktwal na pangangalaga sa kalikasan.
Kagaya na lamang ng ginagawa ng One Meralco Foundation (OMF) na walang tigil sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang grupo sa bansa para sa mga proyekto nito para sa kalikasan kagaya ng One For Trees.
Kamakailan nga ay ipinagdiwang ng OMF ang World Wetlands Day sa pamamagitan ng pagtatanim ng 125,000 na native na bakawan o mangroves sa Del Carmen sa Siargao.
Batid ang kahalagahan ng pagtutulungan para masigurong maging sustainable ang programa, isinagawa ng OMF ang aktibidad kasama ang lokal na pamahalaan ng Del Carmen at ang Kaanib ng mga Mangingisda at Magsasaka ng Numancia (KAMAMANA), na naglalayong bigyan ng kahalagahan ang mga latian.
Ang Mangrove Forest Reserve ng Del Carmen na may lawak na 4,800 na ektarya, ay isa sa mga pinakamalaking mangrove forest sa bansa. Nagsisilbi itong tahanan hindi lamang ng mga bakawan kundi pati na rin ng iba pang mga land at marine resources na pinagkukunan ng pagkain at pagkakakitaan din ng mga lokal.
Bakit mahalaga ang mga aktibidad na ganito? Bukod sa pangangalaga sa kalikasan, nagsisilbi ring proteksyon ng mga komunidad ang mga bakawan sa malakas na hangin at alon na talamak sa bansa.
Simula pa noong 2022, nangako ang OMF na magsasagawa ng reforestation sa mga lugar kung saan may bakawan bilang bahagi ng suporta nito sa sustainability ng kalikasan, at pagtulong na itulak pa ang pangangalaga sa kapaligiran. Sa ilalim ng One For Trees, nakapagtanim na ang Foundation ng 2.3 milyong puno, kasama na ang mahigit 300,000 na bakawan.
Mahalaga ang mga ganitong pagtutulungan para maging tuloy-tuloy ang mga inisyatiba upang makamit ang layuning masolusyan ang mga problema at talagang mapangalagaan ang ating kalikasan para ma-minimize ang epekto ng climate change.
631