CAVITE – Natangay ang P15,000 halaga ng cash ng isang ginang nang mabiktima ito ng “budol-budol” ng dalawang de-kotseng babae sa harapan ng isang kilalang tindahan sa Carmona City sa lalawigan noong Miyerkoles ng hapon.
Hawak na ng Carmona Component City Police ang mga suspek na sina alyas “Julie”, 50, at “Arlene”, 52, kapwa residente ng Brgy. Maharlika, Imus City.
Ayon sa reklamo ng biktimang si alyas “Linda”, 48, ng Brgy. Lantic, Carmona City, Cavite, naglalakad siya dakong alas-5:15 ng hapon patungo sa Waltermart Carmona, nang tumigil sa kanyang harapan ang isang puting Toyota Vios na may plakang NCZ 1728, at nagtanong sa kanya hinggil sa direksyon sa isang lugar.
Pero tila umano na-hipnotismo ang biktima at inabot na lamang nito ang kanyang shoulder bag na naglalaman ng P15,500 cash hanggang sa umalis na dalawang ang suspek at pinasibad papalayo ang kanilang sasakyan.
Nang mahimasmasan, nanginginig itong nagtungo sa tanggapan ng Compac 2 ng Carmona City Police upang magsumbong subalit pagpasok nito ay nakita niya ang dalawang babae na bumiktima sa kanya.
Ayon sa pulisya, matagal na umanong naka-surveillance ang dalawang suspek dahil sa sunod-sunod na reklamo na kanilang natatanggap kaya nagsagawa sila ng operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito.
(SIGFRED ADSUARA)
