GCash Commute QR maaari nang gamiting ng mga pasahero ng LRT-2

Ginamit ni GCash for Business General Manager Paul Albano ang GCash Commute QR noong inilunsad ang cashless payment system sa LRT-2 Legarda Station nitong Hulyo 13.

GCash, DOTr, LRTA, RCBC at Visa inilunsad ang cashless fare payments sa LRT-2

MANILA— Mas pinabilis at ginawang mas maginhawa ng GCash ang biyahe ng mga pasahero ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) dahil maaari nang magbayad ng pamasahe gamit lamang ang kanilang cellphone sa pamamagitan ng GCash Commute QR.

Nakipagtulungan ang GCash sa Department of Transportation (DOTr), Light Rail Transit Authority (LRTA), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC), at Visa para sa opisyal na paglulunsad ng mga cashless payment option, kabilang ang GCash Commute QR, sa lahat ng istasyon ng LRT-2 na bumabagtas sa mula Recto station sa Maynila, na dumadaan din sa San Juan, Quezon City, Marikina, Pasig, at Antipolo station.

“Sinusuportahan nito ang modernization ng public transport at ang pagpapatupad ng National Standard for Automated Fare Collection. Nagbibigay-daan ang inisyatibong ito para sa mas maayos at integrated na payment system sa iba’t ibang uri ng transportasyon,” sabi ni DOTr Secretary Giovanni Lopez.

Ayon naman kay GCash for Business General Manager Paul Albano ng G-Xchange Inc., mobile wallet operator ng GCash, ang naturang programa ay upang gawing mas maginhawa ang biyahe ng bawat komyuter.

Available na ang GCash Commute QR bilang isa sa mga digital payment method sa LRT-2.

“Sa pamamagitan ng inobasyon sa payment system at matibay na pagtutulungan ng public at private sectors, layunin naming makatulong sa pagpapaunlad ng bansa at pagbuo ng mas inklusibong digital economy,” sabi ni Albano.

Ang nasabing inisyatiba ay unang hakbang pa lamang tungo sa mas malawak na plano na gawing moderno ang fare payment system ng LRT-2.

Sa mga susunod na yugto, target umano ng GCash na magamit ang GCash Tap-to-Pay at GCash Visa Card para sa mas mabilis na pagpasok at paglabas sa lahat ng istasyon.

Sa pamamagitan ng cashless payment, hindi na kailangang pumila para bumili ng ticket. Maaari nang dumiretso ang mga pasahero sa turnstile, i-scan ang kanilang Commute QR, at tuloy na sa platform.

Ayon sa GCash, narito ang mga sumusunod na hakbang kung paano gamitin ang GCash Commute QR sa LRT-2:

  1. Buksan ang GCash app at i-tap ang Commute upang makabuo ng iyong QR code. I-save ito upang magamit kahit offline. Siguraduhing may hindi bababa sa P16.50 ang iyong GCash wallet, alinsunod sa discounted fare na ipinatutupad ng DOTr.
  2. Sa turnstile ng LRT-2, i-scan ang iyong Commute QR upang makapasok.
  3. Pagdating sa iyong destinasyon, i-scan muli ang parehong Commute QR sa exit turnstile. Awtomatikong ibabawas ang pamasahe sa iyong GCash wallet.

Inaasahang makikinabang dito ang milyun-milyong komyuter. Batay sa datos ng LRTA, mahigit 58.7 milyong pasahero ang bumyahe sa LRT-2 noong nakaraang taon[1].

Sa pagkakaroon ng cashless entry sa mga turnstile, mababawasan ang mahabang pila sa pagbili ng ticket lalo na tuwing rush hour.

Malaking ginhawa ito para sa mga estudyanteng bumibiyahe patungong University Belt at sa mga manggagawang araw-araw na dumaraan sa matataong ruta ng Metro Manila.

Kasunod ito ng matagumpay na pagpapatupad ng cashless payments sa MRT-3 at EDSA Busway, kung saan napatunayang mabilis at maaasahan ang paggamit ng GCash kahit sa matataas na bilang ng mga pasahero. Dahil dito, mas napadali ang pagpapalawak ng digital fare system sa isa sa pinakamataong rail lines sa Metro Manila.

Sa tulong ng teknolohiya, layunin umano ng GCash na mabawasan ang oras ng paghihintay at gawing mas mabilis, mas maayos, at mas maginhawa ang araw-araw na biyahe ng milyun-milyong Pilipino.

217

Related posts

Leave a Comment