HINAMON ni Department of National Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang China na ilatag ang sovereignty claim nito sa arbitration sa gitna ng sunod-sunod na pangha-harass ng China Coast Guard at China Militia sa West Philippine Sea.
Kahapon, kinumpirma ni National Security Adviser Eduardo Año na may tatlong Philippine Navy personnel na sakay ng civilian chartered boat ng Navy para magsagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa may Ayungin Shoal, ang malubhang nasugatan.
Kasunod ng panibagong pambu-bully na naranasan ng mga sundalong Pinoy, nagbanta pa ang China sa Pilipinas na maghanda sa lahat ng posibleng kahihinatnan sa gitna ng mga aksyon umano ng mga barko ng Pilipinas sa West PH Sea.
Tinawag ni Teodoro na pananakot ang pagbabanta ng China sa Pilipinas matapos ang pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal noong Sabado.
Ayon kay Sec. Teodoro, propaganda lamang ang pag-angkin ng China sa malaking bahagi ng South China Sea dahil bukod sa wala itong basehan ay wala naman sa ibang bansa ang naniniwala sa kanilang kasaysayan.
Nanawagan pa ang kalihim na magkaisa ang sambayanang Pilipino para igiit ang soberanya at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea alinsunod sa UNCLOS at international laws.
Hamon ng Defense chief, kung talagang hindi natatakot ang China na ihayag sa buong mundo ang kanilang claim, bakit hindi mag-arbitrate sa ilalim ng international law para maipaliwanag sa lahat kung ano ang kanilang karapatan kaugnay sa naturang isyu.
Nanindigan din si Sec. Teodoro na ang China ang patuloy na nanghihimasok sa territorial waters ng ating bansa.
(JESSE KABEL RUIZ)
233