(BERNARD TAGUINOD)
NASA bingit na ng kapahamakan ang Pilipinas dahil bukod sa narco ay namamayagpag na ang POGO o Philippine Offshore Gaming Operators politics.
Babala ito ni House committee on dangerous drugs chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kaya umapela ito sa gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong”Marcos JR., na tuluyan nang ipagbawal ang POGO sa bansa.
Sinabi ng mambabatas na nangyayari na ang kanyang babala noong 2017, isang taon matapos payagang pumasok ang POGO, na banta ito sa seguridad ng bansa bukod sa magiging tambakan tayo ng Chinese criminals na maghahasik ng kriminalidad.
“These POGOs that are banned in mainland China only brought more crimes and shame to our country. Whatever benefit we got from them is nothing compared to what they have put us in. The social costs keep mounting and no amount of taxes or perceived jobs can outweigh them,” ani Barbers.
Matindi na aniya ang naging epekto ng POGO sa moral ng mga Pilipino lalo na’t ginagamit ito ng mga Chinese syndicate bilang front sa money-laundering, espionage, cyber hacking, wire tapping at iba pang ilegal na aktibidad kabilang ang murder, kidnapping for ransom, rape, prostitution, torture at iba pa.
Ang masaklap aniya, kapag pinagsama ang POGO at drug money na ginagamit pansuhol sa mga government official para sila ay mamakyaw ng mga lupain sa bansa habang ang iba ay nagpapanggap pang Pinoy para pumasok sa pulitika.
“POGO politics has complemented narco politics now. If we continue to be blind and refuse to read the writings on the wall, we are doomed,” dagdag pa ng mambabatas na dismayado sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na pilit aniyang pinababango ang POGO sa pamamagitan ng pagpapalit ng pangalan nito.
Maging si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ay nagsabing walang kuwenta ang kinikita ng PAGCOR sa POGO kumpara sa mga negatibong epekto nito sa lipunan dahil sa kanilang mga kriminal na aktibidad.
Sinabi ng kongresista na lalong lumala ang katiwalian sa bansa dahil sa POGO dahil maging ang mga pulis at iba pang law enforcement agencies ay ginagamit na ng mga ito para sa kanilang proteksyon.
“It would likewise address the concerns of some groups that offshore gambling sites are being used by the Chinese to spy on certain sensitive government agencies like Malacañang, Department of National Defense and the military,” ani Rodriguez.
Krimen na Konektado
sa POGO Laganap
Kaugnay nito, nakatutok ngayon ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa mga lugar sa southern Metro Manila na may mga ilegal na aktibidad ng POGO.
Kabilang sa mga minamatyagan ang Muntinlupa, Makati, Pasay, at Parañaque, kung saan may recorded cases na may kaugnayan sa POGO.
Sinabi ni PAOCC Spokesperson Winston John Casio, nakatanggap sila ng ulat na nakarating na sa Metro Manila ang mga nakatakas na manggagawa mula sa na-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Bukod dito, binabantayan na rin aniya ng mga awtoridad ang mga ilegal na POGO sa Cavite, kabilang ang mga nasa Bacoor at Dasmarinas.
Hinala ng mga awtoridad, ginagamit ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang gateway para sa operasyon ng mga ilegal na POGO sa southern part ng Metro Manila.
Tsino sa Bamban POGO
Huli sa Porac
Samantala, naaresto ng mga awtoridad ang isang Chinese national, sa pangatlong araw na pagsalakay sa illegal POGO facility sa bayan ng Porac sa Pampanga.
Pinaniniwalaan na ang nasabing Chinese national ay nakatakas mula sa pagsalakay sa Bambam POGO at pinaghihinalaang sangkot sa pagto-torture.
Kinilala ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang Chinese national na isang Wu Lifeng. Nasakote umano ito habang namimitas ng mangga sa puno sa labas ng Porac POGO compound.
“Galing siya kung saan-saan — connected siya sa Bambam, connected siya sa Fontana, sa mga ilegal na mga POGO diyan sa Fontana… Kriminal po talaga ‘yan. Sindikato po ‘yan. Lahat naman po nandiyan sindikato,” ayon kay PAOCC spokesperson Winston John Casio sa isang ulat.
Ang suspek ay kasalukuyan nasa kustodiya ng PAOCC at kinokonsidera na ika-160 naaresto sa Porac, matapos matagpuan ng mga awtoridad ang mga larawan ng bangkay at isang larawan ni PAOCC undersecretary Gilbert Cruz sa kanyang mobile phone.
Nito lamang nakalipas na linggo, natagpuan ng mga awtoridad ang tatlong malalaking sachets na naglalaman ng 30 gramo ng pinaghihinalaang methamphetamine o shabu, na may mantsa ng dugo sa sahig, kumot at damit sa malapit na kuwarto.
Natagpuan din ng mga ito ang materyales na sinasabing ginagamit para sa pagto-torture kabilang na ang baseball bat at electric rods para kuryentehin ang tao.
“Mukhang isa rin itong lugar kung saan sinasaktan ‘yung kanilang mga tao. This will be part of the evidence that will be filed against the owners of this establishment,” ayon naman kay Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Deputy Director Police Col. David Poklay.
Nauna rito, natuklasan din ng mga awtoridad ang pinaghihinalaang scam hub, kung saan daan-daang computers at mobile phones ang natagpuan. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
223