BINIGYANG katwiran ng pamunuan ng Philippine National Police ang nauna nang pagbawi sa mga pulis na nakatalaga bilang mga VIP details, maging ang nasa air conditioned rooms lamang.
Mas higit umanong mapakikinabangan ng taong bayan ang kanilang buwis na ipinapasahod sa mga pulis at masosolusyunan din ang kakulangan sa kapulisan at mas makapaghahatid ng mas makabuluhang serbisyo sa mamamayan ang streamlining sa ilang tanggapan ng PNP.
Naging halimbawa rito ang paglilipat ng nasa 373 police personnel mula sa Police Security and Protection Group (PSPG) na nirecall ng PNP mula sa government at private sector noong July 2024.
Base sa record ng PNP-PSPG, ang 373 police personnel na iba’t iba ang ranggo ay may pinag-isang sahod na ₱12.5 million na mas nararamdaman umano ng publiko kung ikakalat sila sa mga lansangan.
Ayon kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, sa nasabing bilang, 225 na mga pulis ang idineploy sa National Capital Region Police Office (NCRPO) kasama ang 75 personnel na dating nakatalagang security detail ni Vice President Sara Duterte.
Sa ngayon, naka-assign ang mga pulis sa local communities para mas magamit sa kaligtasan ng publiko.
Inilabas ng PNP ang datos bilang tugon sa espekulasyon ni Vice President Duterte na na-pulitika siya sa recall process kung saan siya lang ang inalisan ng mga police security.
Samantala, lumalabas din sa datos na mayroon pang 277 excess officers mula sa national headquarters kung saan 43 ang bagong promote na lieutenants at 103 na bagong appoint na police commissioned officers ang na-reassigned sa NCRPO kaya aabot sa 647 ang lahat ng mga pulis na nalipat sa NCRPO.
Sinalungat naman ni VP Sara Duterte ang pahayag ni Marbil na nais lamang nitong matugunan kahit bahagya ang shortage sa kapulisan
“The shortage is a figure that cannot be solved during our lifetime due to the annually ballooning population and lack of budgetary resources to hire more personnel,” paglilinaw ni VP Sara Duterte.
Ang pahayag na ito ni Duterte ay kasunod ng pag-uutos ni Marbil sa reassignment ng kanyang 75 security detail sa Metro Manila dahil sa shortage umano ng mga pulis sa naturang lugar. (JESSE KABEL RUIZ)
96