BUMUHOS ang suporta ng mga kandidato sa pagka-senador sa iba’t ibang partido pulitikal para sa muling pag-arangkada ng Angkas, ang nag-iisang app-based motorcycle ride hailing service sa bansa, kasabay ng pagsusulong sa karapatan ng mga motorcycle riders.
Dumalo sina Senatoriables Grace Poe, Bam Aquino, Chel Diokno, Bato dela Rosa, at JV Ejercito sa Angkas Safety Fiesta noong Sabado bilang pagsuporta sa pagsisikap na mapalaganap ang tamang safety training sa lahat ng motorcycle riders sa Pilipinas.
Nakiisa rin sa mga senatoriables sa pagsuporta sa Angkas sina Rep. Winston Castelo, chair ng House Committee on Metro Manila Development at ang kanyang maybahay na si Councilor Precious Hipolito-Castelo.
Sa nasabing okasyon, nagkaisa ang senatoriables at iba pang kandidato na panahon na upang ipatupad ng pamahalaan ang legalisasyyon at regulasyon ng motorcycle taxis.
Nanawagan din sila para sa panunumbalik ng operasyon ng Angkas, kasabay sa pagbibigay-diin na ang kawalang-aksyon ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ay paglabag din sa karapatan ng mga motorcycle riders. Binigyang-diin ng mga kandidato na ang Angkas ay nagbibigay ng disenteng hanapbuhay sa daan-libong motorcycle owners sa bansa, bukod sa nakatutulong ng malaki upang maibsan ang araw-araw na kalbaryo ng mga pasahero.
Pinuri ni Senator Grace Poe ang safety training ng Angkas at sinabing ang nasabing ride-hailing service ay malaking tulong sa paglutas sa mass transport problems sa bansa.
Sa kanyang panig, sinabi ni senatoriable Diokno na isusulong niya ang karapatan ng mga motorcycle riders.
“Naiintidihan ko talaga yung pangangailangan na magkaroon tayo ng isang batas na kinikilala ang karapatan ng mga motorcycle riders upang magkaroon ng hanapbuhay na legal at hanapbuhay na kinikilala ng batas,” ani Diokno.
Ikinuwento naman ni senatorial candidate Bato dela Rosa na sya ay anak ng isang tricycle driver.
“Ako’y anak ng tricycle driver. Motorsiklo ang gamit ng tatay ko. Nagmomotor din ako, kaya kung ako ay manalo, susuportahan ko ang Angkas bill na pending sa Senado,” deklara ni dela Rosa.
Kinatigan din ni Senator Bam Aquino ang pangangailangan ng mga motorcycle riders na magkaroon ng disenteng hanapbuay gamit ang kani-kanilang motorsiklo. “Lahat tayo na gustong maghanapbuhay, gustong magnegosyo ay hindi dapat pinipigilan,” ani Sen. Aquino.
“Yung Angkas po, maganda yung kanilang framework, maganda yung kanilang app, marami pong natutulungan. Gaya po ninyo na puwede pong maghanapbuhay gamit ang inyong mga motor, at the same time nagbibigay ng mga leksiyon at lecture tungkol sa safety at security ninyo,” dagdag pa niya.
Para naman kay administration candidate Sen. JV Ejercito, na isa ring rider, buong-puso, aniya, ang kanyang suporta sa mga kapwa ka-gulong. Sinabi ni Sen. Ejercito na may nakabimbin syang panukalang-batas sa Kongreso na naglalayong tugunan ang isyu sa regulasyon ng motorcycle taxis.
Ganito rin ang posisyon ni Congressman Castelo na nagsabing isusulong din niya ang regulasyon at legalisasyon ng motorcycle taxis. “Bigyan natin ng hanapbuhay ang taumbayan. Kaya ako po ay nag-file ng bill sa Kongreso at masaya kong ibinabahagi na ito ay inaprubahan na,” ani Castelo. Hindi tayo papayag na hindi kayo mabigyan ng oportunidad na magkaroon ng hanapbuhay,” he added.
Binigyang-diin naman ni Angkas Head of Regulation and Public Affairs George Royeca na matagal na nilang adbokasiya ang pagsusulong ng road safety consciousness sa mga motorcycle riders sa bansa.
“Ito ang dahilan kung bakit regular kaming nagdaraos ng Safety Fiesta upang mas marami pang motorcycle rider ang maturuan ng safety riding at maipakalat din nila sa ibang pang riders ang kaalamang ito sa ligtas na pagmamaneho ng motor,” ani Royeca.
177