CAVITE – Pinaghahanap ng pulisya ang isang 37-anyos na lalaki na itinuturong pumatay sa kanyang biyenang babae na natagpuang wala nang buhay sa kanilang bahay sa Trece Martires City noong Huwebes ng gabi.
Ang suspek ay kinilalalang si alyas “Kian”, may-asawa, walang trabaho, biyenan ang biktimang si Daisy Rafael y Tagala, 65, isang money lender at pensioner, kapwa residente ng Brgy. Aguado, Trece Martires City, Cavite.
Ayon sa ulat, dakong alas-8:00 ng gabi nang nadiskubre ng anak ng biktima na si Ludy Sadie ang bangkay ng kanyang ina sa kanilang bahay sa nasabing barangay,
Tinakluban ng plastic bag ang ulo nito habang nakatali ang mga kamay sa likod ng biktima na pinaniniwalaang naging dahilan ng kamatayan nito.
Itinuturong may kagagawan sa pagpatay ang manugang ng biktima bagama’t hindi naman idinetalye kung ano ang motibo, na tumakas matapos ang insidente.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso at paghahanap sa suspek. (SIGFRED ADSUARA)
