CAVITE – Nabuking ang isang baril at isang dosenang bala na dala ng isang rider matapos takasan ang nasagi nito na isa ring motosiklo sa Trece Martres City noong Huwebes ng hapon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property ang kinakaharap ng suspek na si alyas “Danilo”.
Nauna rito, nasagi ng suspek ang minamanehong motorsiklo ng biktima na si Christian Birbuela, 46, ng Quezon City, habang binabagtas ang kahabaan ng Golden Horizon, Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City, Cavite bandang alas-3:00 ng hapon.
Ngunit imbes na tumigil, tumakas ang suspek kaya humingi ng saklolo ang biktima kay Police Master Sergeant Justine Justiniano ng Trece Martires Component City Police Station, kaya hinabol ang suspek at naharang nang masiraan sanhi ng pagkakasagi nito sa motorsiklo ng biktima.
Sinita ni Justiniano ang suspek at sinabihan na buksan ang butones ng kanyang jacket matapos mapansin ang nakabukol sa kanyang tagiliran kung saan tumambad ang isang 9mm Armscor at dalawang magazine na may 12 na bala.
Nang hinanapan ng dokumento sa dala niyang baril ay wala itong maipakita dahilan ng kanyang pagkakaaresto. (SIGFRED ADSUARA)
256
