(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
PINUNA ni Vice President Sara Duterte ang labis aniyang korupsyon at pulitika sa bansa na makaaapekto sa pag-unlad nito.
Sa interview sa sidelines ng 50th Philippine Business Conference and Expo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry nitong Martes, sinabi ng Pangalawang Pangulo na hindi uusad ang bansa kung nakatuon lang sa korupsyon, pulitika, at pang-aatake ang gobyerno.
“Hindi tayo uusad kung puro korupsyon, pulitika, at pang-aatake ang gagawin ng gobyerno.”
“Ang ginagawa ng gobyerno, they silenced people talk about the truth, the harsh truth.”
“I am nothing of unstable, unbecoming, unsound mind. I’m just unforgiving, unyielding, and unbowed,” pahayag ni VP Sara Duterte patungkol sa mga puna sa kanya.
Nang matanong naman kung handa siyang makipag-ayos sa administrasyong Marcos at mga kaalyado nito, sinabi ni VP Sara na kinakailangan munang humingi ng tawad ang mga ito.
Ito aniya ay para sa pagkamatay ng isang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) noong Agosto nang isilbi ng Davao police ang arrest warrant sa detenidong televangelist na si Apollo Quiboloy.
Matatandaan na sinabi ng Police Regional Office 11 na may isang lalaking KOJC member ang nasawi dahil sa atake sa puso habang isinisilbi ang arrest warrant laban kay Quiboloy sa KOJC compound sa Buhangin District, Davao City.
“Magkaayos kami? Magkaayos kaming lahat? Sige, mag-sorry sila doon sa pamilya nu’ng namatay sa Davao City during the kaguluhan sa loob ng Kingdom of Jesus Christ. May namatay do’n.
Mag-sorry sila sa lahat ng tinear gas nila, pinukpok nila, at binugbog nila sa Tamayong at sa KOJC,” ani VP Sara na ang tinutukoy ay ang Barangay Tamayong sa Davao City kung saan matatagpuan ang Glory Mountain ng KOJC.
