(JOEL O. AMONGO)
KONTROBERSYAL ngayon ang pulitika sa lalawigan ng Nueva Ecija matapos mabunyag ang umano’y mala-‘circus’ na political strategy ng pamilya ni Governor Aurelio “Oyie” Umali kung saan pinatakbo ang dalawa nitong dalagang anak para may humalili sa kanya sakaling i-disqualify siya ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa kasong katiwalian sa Office of the Ombudsman.
Ayon sa grupong Novo Ecijano – Bantay Boto Movement (NE-BBM), isang civic group at election watchdog, hindi katanggap-tanggap para sa mamamayan ng Nueva Ecija ang naging hakbang at intensyon ng mag-asawang Gob. Oyie at former governor Czarina “Cherry” Umali para sa 2025 elections.
Sa datos ng Commission on Elections (Comelec), anim na Umali ang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa matataas na elective positions sa Nueva Ecija.
Magtatangka ng re-election si Umali at naghain din sa parehong posisyon ang kanyang 23-years old na anak na si Patricia Marie Umali. Makakatapat ng mag-amang Umali si dating General Tinio Mayor Virgilio Bote sa pagka-gobernador.
Sa pagka-vice governor naman, tatakbo ang nakatatandang kapatid ni Governor Umali na si Gil Raymond “Lemon” Umali at makakatapat si dating Nueva Ecija Vice Governor Edward Joson.
Habang ang incumbent Vice Governor na si Anthony Umali ay tatakbo namang mayor ng Cabanatuan City na tatapat sa kasalukuyang alkalde ng lungsod na si Mayor Myca Vergara.
Isa pang mala-‘circus’ na tagpo ang paghahain ng COC ng asawa ni governor na si Czarina Umali at kanilang 25-years old na anak na si Gabrielle Umali para sa pagka-kongresista ng 3rd District.
Makakatapat ng mag-inang Umali si dating Cabanatuan Mayor Jay Vergara.
Para kay Mr. Ruben Aquino, convenor ng NE-BBM, malinaw ang dahilan ng mag-asawang Oyie at Czarina Umali na gamitin bilang ‘reserve candidates’ ang dalawa nilang anak upang maging “insurance” sakaling i-disqualify sila ng Comelec na tumakbo sa anomang elective position.
“Niloloko at paulit-ulit na tayong pinagsasamantalahan ng mga gahaman sa kapangyarihan. Bigyan naman natin ng kaunting respeto at dangal ang ating probinsya. Reject Umali! Enough of their greediness,” wika ni Aquino.
Ang mag-asawang Oyie at Czarina Umali ay sinuspinde kamakailan ng Ombudsman at inirekomendang matanggal sila sa pwesto dahil sa malisyosong pag-isyu ng 205 quarry permits nang walang kaukulang pahintulot mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang diumano’y hindi pagbabayad sa mga lokal na pamahalaan ng kanilang bahagi mula sa mga nakolektang buwis.
Giit ng grupong NE-BBM, kasuklam-suklam at hindi katanggap-tanggap ang ginagawang pagkapit sa poder ng mga Umali para lamang masiguro ang paghahari sa Nueva Ecija.
“Normal na sa ating bansa ang mga naglalaban-laban na magkakapamilya sa pulitika dahil hindi sila magkakasundo. Pero iba dito sa Nueva Ecija, ang mga Umali ay hindi nag-aaway-away pero magkakalaban sila sa election. Ibig sabihin, hindi sila totoong magkalaban sa election, kundi ito ay kanilang istratehiya para hindi sila mawala sa political landscape ng probinsya. Ginawa nilang insurance candidates ang kanilang mga anak. This is very disgraceful. Nakakahiya,” anang grupo.
Samantala, nanganganib ang kandidatura ng mag-asawang Oyie at Czarina Umali matapos i-anunsyo ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na seryoso silang i-disqualify ang mga kandidatong may kasong katiwalian sa Ombudsman.
