CAVITE – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa pamamaril ng isang car seller sa dalawang indibidwal na nagresulta sa kamatayan ng isa sa mga biktima sa Dasmariñas City noong Miyerkoles ng gabi.
Dead on the spot ang biktimang si Edzcel Lumboy, 46, may asawa, ng Brgy. San Lorenzo, Sta. Rosa, Laguna habang isinugod naman sa Asia Medic Hospital ang kasama nitong si alyas “Jackelou”, 44-anyos.
Kinilala ang suspek na alyas si “Elmer”, isang ahente umano ng sasakyan, na tumakas matapos ang pamamaril.
Ayon sa salaysay ni Jackelou, nakipagtransaksiyon si Lumboy sa suspek hinggil sa pagbili nila ng sasakyan para sa kanya at pinik-ap nila ito sa harapan ng St. Paul Parish Church sa Brgy. Lagkaan 1, Dasmariñas City, Cavite sakay ng kanilang sasakyan na Hyundai Sedan.
Bumiyahe ang tatlo hanggang sa nakarating sila sa Asiungan Purok 6, Brgy. Langkaan 1, Dasmariñas City subalit pagdating doon, sa hindi nabatid na dahilan, biglang nagbunot ng ‘di nabatid na kalibre ng baril ang suspek at binaril ang dalawa bandang alas-11:00 ng gabi saka mabilis na tumakas.
Dead on the spot si Lumboy habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan si Jackelou.
Palaisipan naman sa pulisya kung ano ang motibo ng suspek sa pamamaril. (SIGFRED ADSUARA)
