KABILANG na ang bayan ng San Rafael, Bulacan sa Guinness Book of World Records matapos itanghal bilang bagong “Largest Gathering of People Dressed as Angels” sa isinagawang “Guinness World Records Attempt” sa Victory Coliseum, San Rafael, Bulacan Municipal Compound noong Sabado, Disyembre 14.
Ang mithiing makamit ang inaasam na world record, ayon kay Mayor Cholo Violago, ay limang buwang pinaghandaan ng Pamahalaang Lokal ng San Rafael kung kaya’t lubos ang pasasalamat nito sa lahat ng sumuporta at nakiisa sa nasabing record attempt.
Base sa opisyal na talaan, nakapag-record ang Guinness World Record ng 2,000 participants na nakasuot ng angel costume na kinabibilangan ng mga kabataan, barangay officials, senior citizens, estudyante at ilang mga lokal na opisyal upang mapabilang sa marka ng kasaysayan ang nasabing bayan sa buong mundo.
Sila ay nakasuot ng puting robe, halo at pakpak na siyang official costume na inirekomenda ng Guinness World Records officiating team.
Nalagpasan ng Pilipinas partikular ng San Rafael, Bulacan, ang 1,275 na record ng Misericordia Health Centre Foundation sa Winnipeg, Manitoba, Canada, noong December 2015.
Pinangunahan ni Kazuyoshi Kirimura, Japanese Adjudicator ng Guinness World, ang pangangasiwa kasama ang nasa 50 expert witnesses na siyang mandated sa pagbilang, pagsusuri habang isinasagawa ang official attempt.
Dumating din dito si Senator Imee Marcos upang makiisa at suportahan si Mayor Violago at ang mga San Rafaeleños na mapabilang sa marka ng kasaysayan sa buong mundo.
Ayon kay Aiza Mapoy, municipal administrator, ang paglahok sa nasabing world record attempt, ay isang paraan upang maipakilala ang bayan ng San Rafael sa turismo at ang ipinagmamalaki nitong Angel Festival na ipinagdiriwang tuwing buwan ng Setyembre.
Dagdag pa nito, ang lahat ng ginastos sa preparasyon kasama ang costumes, ay mula sa sariling bulsa ni Mayor Violago sa tulong ng volunteers na lumahok.
Ayon pa kay Violago, ang karangalang ito ay hudyat ng bagong kasaysayan ng bayan ng San Rafael sa pagsisimula ng mas progresibong bayan sa susunod pang mga henerasyon.
Kilala ang Angel Festival sa bayang ito na isinasagawa taon-taon tuwing Setyembre na sinimulan noong 2002. (ELOISA SILVERIO)
8