SA gitna ng kontrobersya sa pagbokya ng mga mambabatas na bahagi ng Bicameral Conference Committee sa 2025 national budget ng subsidiya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), pinayuhan ng isang administration congressman ang taumbayan na huwag magkasakit.
“Una, huwag ho kayong magkakasakit. Kahit ho may PhilHealth o wala. Hindi po magandang nagkakasakit,” ani Tingog party-list Rep. Jude Acidre dahil nagpapanic umano ang mga tao lalo na ang mahihirap matapos makumpirma na hindi binigyan ng subsidy ang PhilHealth.
Unang inirekomenda ng Department of Budget and Management (DMB) na bigyan ng P74 billion subsidy sa 2025 ang PhilHealth upang matulungan ang mga mahihirap sa kanilang gastusin sa hospital kapag sila ay nagkakasakit.
Gayunpaman, binura ito ng mga senador at congressman na miyembro ng Bicam dahil meron umanong P600 billion na reserved funds ang PhilHealth na hindi nila ginastos sa mga nakaraang mga taon.
Ito ang dahilan kaya sinabi ni Acidre na magpapatuloy ang pagtulong sa mga mamamayan na hindi nagbabayad ng kontribusyon sa PhilHealth na kinabibilangan ng mga matatanda, person with disabilities (PWDs) at mga indigent o mahihirap.
“Hindi po pwedeng masabi na walang pera. May pera po ang Philhealth. Nandiyan po yung mga patuloy po ang ating mga subsidiya, I mean ang ating mga packages at hindi lang ho.. madaragdagan pa,” ayon sa kongresista.
Tinawag naman ni La Union Rep. Paolo Ortega na fake news na matitigil na ang pagtulong ng Philhealth sa mga magkakasakit na ipinapakalat umano ng mga hindi miyembro ng PhilHealth upang siraan ang gobyerno.
“Klarong-klaro po yan. Itong mga nagpapakalat ng fake news baka ‘di pa sila member ng PhilHealth kaya bitter sila. Kaya itigil nyo na yang mga kalokohan na pinaggagawa niyo,” ani Ortega.
Subalit kung ang Makabayan bloc ang tatanungin, maapektuhan at maapektuhan pa rin ang PhilHealth sa pagtanggal ng subsidiya para sa mahihirap kapag hindi ito ibinalik ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ipinaliwanag ni ACT party-list Rep. France Castro na hindi kakayanin ng kontribusyon ng mga aktibong miyembro ng PhilHealth para sagutin ang pangangailangan ng mga non-contributors kaya taun-taon ay binibigyan ito ng subsidiya.
Dahil dito, iginiit ng grupo ni Casto na muling i-convene ang Bicam para ibalik, hindi lamang ang subsidiya ng PhilHealth kundi ang P10 billion na ibinawas sa budget ng Department of Education (DepEd). (BERNARD TAGUINOD)
12