BACKSTAGE DRAMA SA 2024 MMFF GABI NG PARANGAL

NAGKAROON pala ng ibang drama sa backstage matapos sumablay ang isang presenter sa Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival.

Paano ba naman, hindi binasa nitong presenter na tila lutang ang citation na nagpapaliwanag sa ipiprisinta niyang award.

Iyon na nga lang ang gagawin niya, pero hindi pa ito nagawa ng wala sa hulog na presenter, na bigla na lang binanggit ang pangalan ng tatanggap. Dahil sa kapalpakan na ito ng aktor, nagtanong tuloy ang tumanggap kung para saan ang nasabing award sa kanyang speech. Awkward!

Nabanggit sa akin ng source na nagalit ang isa sa mga main jurors sa kapalpakang ito at gumawa ng eksena sa production room. Bakit daw hindi binasa ng aktor ang citation na siya mismo ang may gawa.

Sa pagbubunganga nitong main juror, nabuking tuloy na napilitan lang siyang ibigay ang nasabing award dahil mahigpit ang naging deliberasyon sa mga nanalo.

Ayon pa sa aking source, itong juror na ito ang siya ring nagmanipula sa iba pang mga juror para suportahan ang kanyang mga piniling manalo. Siya rin ang nasa likod ng pagbago ng scoring system na ilang dekada ring ginamit ng MMFF.

Pero sablay itong si main juror sa pagbunton ng sisi sa production unit dahil itong aktor ang malinaw na nagkamali.

Ang tanong ngayon ay: May galit pa ba itong aktor sa tumanggap ng award at sa TV station na kanyang kinabibilangan?

Isa pa, napag-iwanan na pagdating sa kita ang pelikula ng aktor sa MMFF ng pelikula na pinagbibidahan ng tumanggap ng award. Mukhang pinersonal ito ng aktor, at dahil sa kanyang ginawa, natabunan tuloy ang dapat sana’y espesyal na okasyon para sa nanalo at sa buong MMFF. (JULIET PACOT)

141

Related posts

Leave a Comment