MAGHAHAIN ng motion for reconsideration (MR) ang high school teacher na si Barry Tayam matapos ibasura ng Korte Suprema ang kanyang petisyon kaugnay ng quorum sa Senado.
Ayon kay Tayam, naghihintay na lamang siya ng opisyal na kopya ng resolusyon ng Supreme Court bago isumite ang kanyang MR.
“Nakapag-decide po ako na magfa-file ng MR once officially received ko na yung reso from SC,” ani Tayam.
Ibinasura ng Korte Suprema nitong Miyerkoles ang petisyong inihain niya na humihiling na ideklarang may valid quorum ang sesyon ng Senado noong Hunyo 3, kung saan dumalo ang 12 senador.
Batay sa naging desisyon ng hukuman, ibinasura ang petisyon dahil sa kakulangan umano ng legal standing.
Sa hiwalay na pahayag, hinamon din ni Tayam ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na ituloy ang paghahain ng sarili nitong petisyon kaugnay ng usapin.
“Since I have 15 days, hinahamon ko po yung PDP Laban na mag-file na ng petisyon nila na last week pa nila sinabi at dahil publicly uploaded naman ng SC yung pleading ko, pwede din sila mag-intervention or kung sino man na interested sa case since this is about public interest,” ani Tayam.
Ang usapin ay may kaugnayan sa quorum sa sesyon ng Senado kung saan nahalal si Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore.
(JULIET PACOT)
75 