BILANG bahagi ng patuloy na paghahanda para sa midterm elections, opisyal na lumagda ng kasunduan ang Legal Network for Truthful Election (LENTE) at Commission on Elections (Comelec) upang matiyak ang kredibilidad ng nalalapit na halalan sa Mayo.
Pinangunahan ni LENTE Senior Program Director for the Abuse of State Resources Project Atty. Ryan Jay Roset ang paglagda ng memorandum of agreement (MoA) para sa pinaigting na pagtutulungan ng dalawa sa pagbabantay at pagtiyak ng kaayusan at katapatan sa pagboto ng mamamayan sa kanilang napupusuang kandidato.
Ang nasabing kasunduan ay alinsunod na rin sa Comelec Resolution No. 11104 na nagbabalangkas ng mga alituntunin para maiwasan ang Abuse of State Resources (ASR) na maaaring tahasang magamit ng sinumang kandidato ang mga koneksyon at ari-arian na pagmamay-ari ng estado para sa sariling interest. Maituturing din itong isang uri ng korapsyon o katiwalian.
Bahagi ng nilagdaang kasunduan ang pakikipagtulungan ng LENTE sa Committee on Kontra Bigay na mangangasiwa sa pagpapaigting sa kampanya ng Comelec laban sa talamak na vote buying at vote selling tuwing panahon ng halalan.
Kaugnay nito tiniyak ng LENTE ang pakikipagtulungan sa Comelec at sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan upang maisulong ang pagkakaroon ng ligtas, marangal at matapat na halalan sa ating bansa.
Bukod sa midterm polls na nakatakda sa May 12, babantayan din ng LENTE ang nakatakdang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). (JOCELYN DOMENDEN)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)