INANUNSYO ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kasalukuyang inaayos at pinag-uusapan ng Canada at Pilipinas ang kasunduan na makapagpapalakas sa ‘defense capability’ ng dalawang bansa.
Sa isang kalatas, sinabi ng DFA na ang Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) ang mahalagang kaganapan matapos ang paglagda sa Memorandum of Understanding on Defense Cooperation ng dalawang bansa noong Enero 19, 2024.
“The SOVFA further deepens our bilateral defense relations with Canada and our long-standing friendship with this country,” ang sinabi ng departamento.
Nabuo ito matapos na sabihin ni Canadian Ambassador David Hartman na ang Canada at Pilipinas ay nasa “final stages of negotiating the agreement” na magpapagana sa “deeper cooperation and substantive participation in training to build capacity.”
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Harman na ang kasunduan ay malalagdaan at mararatipikahan bago matapos ang taong 2025.
Enero 19, kapwa tinintahan ng Pilipinas at Canada ang Memorandum of Understanding on Defense Cooperation.
Matatandaang, noong nakaraang taon, ipinagdiwang ng Pilipinas at Canada ang 75 taon ng kanilang diplomatic relations sa gitna ng nagpapatuloy na harassment mula sa China Coast Guard sa iba’t ibang vessel ng Philippine Coast Guard at iba pang civilian ships na nago-operate sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Hayagang kinontra at binatikos ng Canada ang ginawang aksyon ng China Coast Guard, kabilang na ang pagbangga sa Philippine vessels.
Mayroon ding visiting forces agreements ang Pilipinas sa Estados Unidos at Japan. Nagsimula na rin ang negosasyon para sa SOVFA kasama ang New Zealand at France. (CHRISTIAN DALE)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)