REGULASYON SA ELECTION SURVEYS

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NGAYONG umaarangkada na ang pangangampanya ng mga kandidato para sa mga national posts sa paparating na midterm elections sa Mayo, kaliwa’t kanan na rin ang lumalabas na impormasyon – mapatotoo man ang mga ito o hindi – dahil kanya-kanya na ng diskarte para manalo.

Hindi maikakaila na isa sa tipikal na kinukunan ng impormasyon ng mga bumoboto, o kaya naman nakaiimpluwensya sa atin na gumawa ng desisyon ang mga survey. Naging bahagi na ng eleksyon ang pagsangguni sa mga ito ng kapwa kandidato at botante. Pero hindi rin maikakailang may mga pagkakataon na hindi naman lehitimo o peke ang mga lumalabas na resulta ng survey at ginagamit ito para sa propaganda.

Kaya sang-ayon ako rito sa paghihigpit na ginawa ng Commission on Elections (Comelec). Sa kalalabas lamang na Resolution No. 11117, nagtakda ang ahensya ng bagong patakaran sa mga survey na isinasagawa ngayong panahon ng kampanya para sa halalan sa Mayo 12.

Kinakailangan na ng survey entities – mapa-indibidwal man ‘yan, organisasyon o grupo, na magparehistro muna sa Political Affairs Department ng Comelec. Kung hindi magre-rehistro, hindi magkakaroon ng awtorisasyon ang mga ito na gamitin at ilathala ang mga survey, at maaari ring magresulta sa pagkasuspinde.

Makatutulong ang regulasyong ito para matiyak ang responsableng pagbibigay ng mapakikinabangang impormasyon sa mga botante. Masisiguro ring lehitimo ang mga survey na lumalabas at sumusunod ang mga ito sa alituntunin ng Republic Act 9006 o ang Fair Elections Act.

Kailangan nang isumite ang lahat ng detalye ng bawat survey sa loob ng limang araw matapos lumabas ang resulta. Dapat ding maging malinaw na nakasaad kung sino ang nag-commission o nagbayad para sa survey, pati na rin kung saan ito ipinalabas, kasama na ang impormasyon ukol sa gastusin ng mga kandidato.

Nakaaapekto talaga ang mga survey sa pagdedesisyon ng botante. Kaya nga kapag ganitong panahon, panay ang pag-share at pag-post ng mga resulta nito sa social media at maging sa group chats, kung saan marami ring nangyayaring mga diskusyon tungkol sa mga kandidato na, aminin man natin o hindi, napakahalaga ng papel na ginagampanan sa magiging takbo ng polisiya ng pamahalaan sa mga susunod na taon.

Kaya importante talaga ang transparency, integrity at accountability sa ganitong panahon – na dapat pangunahan mismo ng mga kandidato. Sigurado naman na makatutulong din ang mga patakarang ito para magkaroon ng mas malakas at malalim na tiwala ang mamamayan sa mga survey na kanilang nakikita.

Kailangan ding tiyakin na hindi nagiging kasangkapan ang mga survey na ito para sa manipulasyon ng opinyon ng publiko. Maaari rin itong makatulong para magkaroon ng mas maayos at tapat na halalan dahil bahagi naman ‘yan ng proseso sa pagpili ng mga uupo sa pwesto. Kahit pa hindi naman talaga dapat magdikta ang survey sa takbo ng kampanya, importanteng isinusulong ang kredibilidad at katotohanan lalo na sa panahon ngayon kung kailan sangkaterbang maling impormasyon at fake news ang napakabilis kumalat.

 

Suportahan natin ang maayos at pagsiguro ng integridad ng paparating na halalan.

5

Related posts

Leave a Comment