FINANCIAL AT SOCIAL AUDIT IGINIIT SA INTERNET GAMBLING PLATFORMS

IGINIIT ni Senate President Francis Chiz Escudero ang pangangailangan ng malawakang financial at social audit sa lahat ng internet gambling platforms sa bansa.

Sinabi ni Escudero na sa pagdami ng online gaming kung saan makakataya na sa pamamagitan ng mobile phone apps ay nangangahulugan na may casino na ngayon sa bawat bulsa ng mga Pinoy.

Iginiit ng Senate leader na dapat magsagawa na ang government regulators ng social cost-state benefit analysis sa lahat ng aktibidad ng Philippine Inland Gaming Operators o PIGO dahil sa napakadali nang i-access ng mga online games.

Dapat anyang ipatupad din sa PIGO ang mga hakbanging ipinatupad noon sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Sinabi ni Escudero na inaasahan niyang magkakaroon ng datos kaugnay sa tax payments ng PIGOs, ang ownership structure, ang share ng gobyerno at police reports kaugnay sa mga krimen na nagagawa ng mga tinawag niyang addicted gamblers.

Nakatanggap anya sila ng impormasyon na ang total online bets sa mga PIGO ay posibleng umabot sa pagitan ng P600 billion at P1 trilyon kada taon.

Kailangan anyang timbangin ang kitang nagmumula sa PIGO at sa social cost naman nito sa sambayanan lalo na’t malaki ang posibilidad na maging mga menor de edad ay maglaro at maadik sa PIGO.(Dang Samson-Garcia)

9

Related posts

Leave a Comment