PAMBIBIKTIMA NG TANIM-BALA SA ISANG SENIOR CITIZEN, KINONDENA

MARIING kinondena ni Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes ang muling paglitaw ng tanim-bala modus na nambiktima ng isang 69-anyos na pasahero sa NAIA Terminal III nitong Marso 6.

Ayon kay Ordanes, labis na nakagagalit na muling nasaksihan ang ganitong insidente na inakala ng publiko na tuluyan nang nawakasan.

“Hindi ko lubos maisip na isang senior citizen na babae ang pagdududahan na may anting-anting na bala sa kanyang handbag,” pahayag ni Ordanes.

Sinabi rin ng mambabatas na hindi sapat ang ginawang pagtanggal sa puwesto sa tatlong tauhan ng Office of Transportation Security (OTS), tulad ng inanunsyo ni Transportation Secretary Vince Dizon. Iginiit niyang dapat silang kasuhan upang mabigyan ng hustisya ang biktima na labis na na-trauma sa insidente.

“Dapat ay masampahan ng kaso ang tatlong kawani dahil sa labis-labis na trauma na inabot ng senior citizen,” dagdag niya.

Nanawagan si Ordanes na tiyakin ng mga kinauukulan na hindi na mauulit ang ganitong modus, hindi lamang sa mga senior citizen kundi sa lahat ng pasahero.

Matatandaang naging kontrobersyal ang tanim-bala modus ilang taon na ang nakalipas, kung saan hinihinalang sinasadya ng ilang airport personnel na maglagay ng bala sa bagahe ng pasahero upang perwisyuhin sila at perahan. Patuloy namang binabantayan ng publiko ang magiging aksyon ng mga awtoridad upang tuluyang matuldukan ang ganitong mapanlinlang na gawain sa mga paliparan sa bansa.

11

Related posts

Leave a Comment