Natakasan kasi sa POGO raid PAOCC MAGLALATAG NA NG ‘SAFETY NETS’

MAGPAPATUPAD ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng mas pinahigpit na “safety nets” matapos matuklasan ng mga awtoridad na walang empleyado nang isagawa ang pagsalakay sa Makati building na di umano’y may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) scam activities.

“Gagawa na tayo ng mga safety nets natin. Dati naman kasi talagang ganyan, hindi naman natin maiiwasan. Minsan, mayroong talaga, may kakaliwa ang isipan na magsusumbong dun sa mga ire-raid natin. Pero siguro sa susunod mas magiging maingat na tayo,” ang sinabi PAOCC Executive Director Gilbert Cruz sa isang panayam.

Sinabi ni Cruz na nagpapatuloy ang pag-uusap kung maaari ring papanagutin ang may-ari ng gusali.

“Pag-uusapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin kasi legal na po yung labanan dyan. Aside from closure order na pinataw ng Makati Business Permit and Licensing Office, ano pa ba yung administrative or criminal sanction ang pwede ipataw sa mga administration ng building,” anito.

Sinabi pa ni Cruz na labis siyang nag-aalala sa security agency ng gusali, tinukoy ang ‘inconsistencies’ sa pag-access ng mga rekord.

Ang huling naitalang entry ay alas-4 ng hapon nang salakayin ng PAOCC ang lahat ng 21 floors ng alas-6 ng gabi nang walang makita ni isa man na empleyado.

Layon aniya ng PAOCC na i-deport ang mahigit sa 1,000 POGO workers sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo.

Simula noong nakaraang taon, may 30 foreign POGO workers ang sumuko sa PAOCC, kabilang na rito ang Indonesian nationals.

Samantala, iniulat naman ng Bureau of Immigration na may 121 mula sa 518 POGO workers na inaresto noong nakaraang taon ang naipa-deport na. (CHRISTIAN DALE)

6

Related posts

Leave a Comment