MARIING itinanggi ng Manila Police District at maging ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang lumabas na isyu na tumataas ang krimen sa lungsod.
Ibinase ito sa datos ng Manila Police District (MPD) na mababa ang insidente ng krimen kung ikukumpara sa populasyon na nasa dalawang milyon.
Sa datos ng MPD, nasa 78 ang reported crime incidents sa buong buwan ng Pebrero 2025 na naitala sa 14 na istasyon ng pulisya.
Mas mababa ito sa 101 na kaso noong Pebrero 2024, sa 78 na insidente bunsod ng sunod-sunod na checkpoints at operasyon kaugnay sa panahon ng eleksyon.
Mismong ang PNP-National Capital Region Police Office na siyang sumasaklaw sa Metro Manila kasama ang lungsod ng Maynila, ay nagpahayag na bumaba ang focus crime incidents na mula 1,837 ay bumaba ng 1,524 sa nasabing taon.
Kabilang sa focus crimes ang murder, homicide, rape, physical injury, carnapping ng mga motorsiklo at motor vehicles, at theft.
Iniulat din ng NCRPO ang crime clearance efficiency rate na 98.82 percent at crime solution efficiency rate na 72.24 percent.
Habang kumpiyansa naman ang Manila LGU na mas bababa pa ang krimen sa lungsod hanggang Hunyo dahil sa pinaigting na police at barangay patrol visibility.
Ibinigay ng pamunuan ng lokal na pamahalaan ang kredito sa pagkakaroon ng mababang bilang ng krimen sa Maynila sa pinaigting na presensya ng mga police and barangay security at sa nakaposisyong checkpoints sa iba’t ibang panig ng lungsod.
Ang pagmamantine ng peace and order sa anomang parte ng lungsod ay nasa ilalim ng police districts na direktang sumasailalim sa Philippine National Police, at ‘di sa mayor’s office.
Mula sa mga records ng MPD, sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna, “February is the first full month of checkpoints this year. In those 28 days, there were only 78 crime incidents reported by the 14 police stations in Manila. Compare that to February last year when there were 101 incidents. We, therefore, had a 22.7% drop in crime. These are the truthful facts, not made-up numbers like those of Numbeo circulating in social media.”
Ayon pa sa alkalde, ang improved crime situation sa lungsod ay dahil sa combined effect ng election period checkpoints at pinaghusay na crime-fighting presence ng MPD, barangay tanods at volunteers na nagsisilbing multiplier forces. (JESSE KABEL RUIZ)
