DRUG, POGO MONEY NAGAGAMIT NGAYONG 2025 MIDTERM ELECTION?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAKATANGGAP ng impormasyon ang PUNA na may tumatakbong mga kandidato ngayong 2025 Midterm Election, na ang ginagamit na pondo ay nagmula sa illegal drugs at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Isa sa pinaghihinalaang pinoponduhan ng drug at POGO money ay ang tumatakbong kongresista sa Quezon City 5th District?

Si Rose Nono Lin ay minsan nang ipinatawag sa pagdinig ng Quad Committee ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kaugnay sa isyu ng Extra Judicial Killings (EJK) at illegal drugs.

Isa siyang naging resource person ng QUADCOM sa pagdinig ng Kamara, natanong siya ng mga kongresista partikular ni Congresswoman Jinky Luistro at ilang mambabatas na miyembro ng committee, hinggil sa kanyang kaugnayan sa pinaghihinalaang drug lord at isinasangkot sa POGO na si Allan Lim.

Si Lin Wei Xiong ng Pharmally Pharmaceutical Corporation at Allan Lim diumano ay sangkot sa illegal drugs, na ayon sa report ni dating Police Colonel Eduardo Acierto ay iisang tao lamang, ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Moro Lazo sa pagharap niya sa pagdinig ng QUADCOM kamakailan.

Sinabi pa ng PDEA chief, ayon sa ibinigay na impormasyon ng informant ng ahensiya at ni Acierto, ang pagkakakilanlan ni Lin, Allan Lim at Wei Xiong Lin ay magkakatugma.

Si Acierto ay naging resource person din sa pagdinig sa pamamagitan ng video call, at kinumpirma niya sa kanyang report na si Allan Lim at Wei Xiong Lin ay iisa at malapit kay Michael Yang na economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagtatanong ng mga kongresista sa isinagawang pagdinig kay Rose Nono Lin kaugnay sa maraming ginagamit na pangalan ni Allan Lim at pagkakasangkot nito sa illegal drugs at POGO, ay iisa lang ang kinumpirma niya na ang tunay na pangalan ng kanyang asawa ay Wei Xiong Lin.

Itinanggi rin ni Rose Nono Lin na sangkot sa illegal drugs si Wei Xiong Lin, subalit inamin niya na malapit ito sa dating Pangulo at may mga negosyo sila rito sa Pilipinas at sa Hong Kong.

Sa report ni Col. Acierto, si Wei Xiong Lin ay iniuugnay kay Michael Yang na isang protector ng illegal drugs at drug lord na may kinalaman din sa operasyon ng mga POGO sa bansa.

Kabilang pa sa mga ginagamit na pangalan ng asawa ni Rose Nono Lin ay ‘Allan Lin, Jeffrey Lin, Jeff Lin, Ayong, Lin Wei Xiong, at Wen Li Chen.’

Sinabi pa ni Rose Nono Lin na hindi nagtatago ang kanyang asawa, nagkataon lamang na sa isinagawang pagdinig ng QUADCOM ay nasa ibang bansa si Wei Xiong Lin.

Natanong pa siya ng mga kongresista kung kailan uuwi ang kanyang asawa, subalit hindi kinumpirma ni Rose Nono Lin kung kailan makauuwi si Wei Xiong Lin.

Ayon naman kay House Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez, mukhang may koneksyon at pare-pareho ang cast of characters na tahimik na nag-ooperate ng illegal sa bansa.

Sa natuklasan na ito sa pagdinig ng QUADCOM, ikinabahala ng maraming Pilipino na posibleng bumaha ngayong eleksyon ng pera na nagmula sa illegal drugs at POGO.

Nangangamba ang mga Pilipino na ang Pilipinas ay matulad sa bansang Mexico na ang ginagamit na pera ng mga politiko sa kanilang pagtakbo ay nagmumula sa illegal drugs at POGO.

Sinikap natin na makuha ang panig ni Rose Nono Lin kaugnay sa isyung ito subalit hindi natin siya ma-contact.

oOo

Para sa reaksyon at reklamo, mag-email sa operarioj45@gmail.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

7

Related posts

Leave a Comment