LALONG kailangang pahabain ang operasyon ng Metro Rail Transit (MRT), Light Rail Transit (LRT) at maging ang Edsa Bus Carousel dahil sa isasagawang rehabilitasyon sa Epifanio delos Santos Avenue o Edsa.
Ito ang ipinanawagan ni Akbayan party-list representative Percival ‘Perci’ Cendaña sa Department of Transportation (DoTr) dahil kung hindi ay lalong mahihirapan ang mga commuters dahil inaasahan na mas titindi ang problema sa trapiko sa Edsa.
“Mas lalong mahalaga ngayon na i-extend ang operating hours ng MRT, LRT, at ngayon, maging ang EDSA Bus Carousel, dahil tiyak na magdudulot ng matinding pagsikip ng daloy ng trapiko ang EDSA rehabilitation,” ayon sa mambabatas.
Sa katapusan ng buwang kasalukuyang sisimulan na umano ang major rehabilitation sa Edsa bilang bahagi ng preparasyon sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na gagawin sa Pilipinas sa susunod na taon.
Sinabi ng mambabatas na bagama’t kailangan ang rehabilitasyon ng nasabing pangunahing lansangan sa Metro Manila, kailangang ikonsidera ng DoTr ang magiging kalagayan ng mga commuters.
“Ang mga pribadong sasakyan ay may opsyon, pero ang mga commuter, wala. Dapat silang bigyan ng sapat na pampublikong transportasyon. Mahalaga ang rehabilitasyon ng EDSA, pero importante rin ang kapakanan ng mga mananakay,” ani Cendaña.
Nagsisimula ang operasyon ng MRT at LRT mula alas-singko y medya ng umaga hanggang alas diyes y medya ng gabi habang ang Edsa Bus Carousel ay mula alas-kwatro ng umaga hanggang alas-onse ng gabi naman.
Malaking tulong aniya sa mga mananakay kapag pinalawig hanggang madaling araw ang operasyon ng mga nabanggit na transport system dahil tiyak na mas mahabang oras ang gugugulin ng mga ito sa Edsa bago makapasok at makauwi lalo na ang mga manggagawa.
“Any extension of public transport operations must come with just compensation for workers. Sila ang nasa frontline ng ating transport system, kaya’t dapat silang protektahan at bigyan ng karampatang sahod at benepisyo,” paalala pa ng kongresista. (PRIMITIVO MAKILING)
