(CHRISTIAN DALE)
PINASARINGAN ni Vice President Sara Duterte ang administrasyong Marcos Jr. sa pagsasabing lehitimo na ang vote buying sa kasalukuyan dahil itinatago ito sa ayuda.
Sa pagsasalita ni VP Sara sa harap ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong, nanawagan din siya sa mga Pilipino na iboto ang mga kandidato base sa kanilang kakayahan na maglingkod kaysa sa kanilang apelyido.
Sa panahon aniya kasi ng eleksyon ay naglipana ang vote-buying. Dapat aniyang mag-ingat sa vote-buying sa anyo ng government financial assistance o ayuda.
“Wag natin ibenta ang boto natin. Legitimate na ang vote buying. Nakatago na siya sa ayuda,” pahayag ni VP Sara.
“Tignan natin kung ano ‘yung promises na ginawa niya o sinabi niya noon. Tapos tignan natin, binigay ba niya ‘yung kanyang promise… Binigay ba niya ang pangako niya sayo o iniwan ka lang niya sa ere?” aniya pa rin.
“Ang problema sa atin ang pinipili natin ay paulit-ulit, pabalik-balik lang. Mahilig tayo sa sikat, mahilig tayo sa magaling kumanta [at] sumayaw dito sa stage, mahilig tayo sa nagpapa-amuse, nagpapatawa sa atin… Hindi natin tinitignan ‘yung totoong karakter sa likod ng mukha niya sa TV,” lahad nito.
Hinikayat din niya ang mga Pilipino na maging matalino sa nalalapit na halalan sa bansa.
“Kaya siguro dapat, sa darating na halalan, pag-isipan na natin ang ating iboboto. Sabi ko nga sa inyo, nadala na ako, na-scam na ako, nabudol na ako,” ang sinabi pa ni VP Sara.
Inaasahan na magbabalik-bansa si VP Sara anomang araw ngayon matapos dumalo sa thanksgiving event nitong weekend sa Hong Kong.
Sinabi ng Office of the Vice President (OVP) na plano kasi ni VP Sara na dumalo sa 88th Araw ng Dabaw festivities sa Marso 16 hanggang 17 sa Davao City.
Gayunman, hindi nagbigay ang OVP ng eksaktong petsa ng pagbabalik ni VP Sara sa bansa.
Si VP Sara ay lumipad patungong Hongkong nito lamang weekend para sa pagtitipon ng OFWs. Kasama ni VP Sara sa nasabing event ang ama na si dating pangulong Rodrigo ‘Digong’ Roa Duterte, pati na rin ang ilang kandidato ng PDP Laban.
