(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
BINIGYANG-DIIN ni senatorial aspirant Atty. Vic Rodriguez sa isang panayam kamakailan na hindi maaaring gamitin sa mga proyekto o programa na walang kaugnayan sa healthcare ang pondo ng PhilHealth.
Aniya, dapat maubos ang pondo ng ahensya ngunit para lang sa sektor ng kalusugan dahil ito ang nakasaad sa batas.
Reaksyon ito ng dating executive secretary sa pagkuha sa bilyong pondo ng PhilHealth pabalik sa national treasury.
Kung titingnan aniya, ‘malversation of public funds’ o pagwawaldas na sa pampublikong pondo na maituring ang paglilipat ng pondo nito.
Ang malala pa aniya, ‘zero’ o walang government subsidy na inilaan sa PhilHealth ngayong taon ang administrasyong Marcos Jr.
Para sa butihing abogado ay karagdagang paglabag ito sa batas.
Sa batas, nakukuha ng PhilHealth ang kanilang pondo mula sa sin tax o kabuuang koleksyon mula sa buwis sa sigarilyo; sa share ng gobyerno sa kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Maging sa charity fund at mandatory contributions ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO); premium contribution ng mga miyembro; annual funding ng DOH mula sa national budget; at sa government subsidy para sa state health insurer na kasama rin sa national budget.
Kaugnay nito, naniniwala si Atty. Rodriguez na malabo nang maibalik ang P60 billion na kinuha sa state health insurer. Lalabas kasi aniya na tila inamin ng gobyerno na mali ang kanilang ginawa at sasampahan rin sila ng panibagong kaso.
Noong nakalipas na taon sinimulan ng gobyerno ang paglilipat ng 89.9 billion pesos na umano’y excess fund ng PhilHealth papuntang national treasury.
Kamakailan, naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order para mahinto ang paglilipat.
