DAPAT KASUHAN NG GOBYERNO SI MARILYN CANTA NG TAG CARGO

RAPIDO ni PATRICK TULFO

MALAPIT nang masimulan sa wakas, ang delivery ng nakatenggang containers na naglalaman ng balikbayan boxes mula sa Kuwait.

Ang isyu ng abandonadong balikbayan boxes mula sa Tag Cargo ang pinakamatagal na naming nahawakan sa ngayon at mag-iisang taon na sa Hunyo.

Ito rin ang pinakamarami dahil dalawangpu’t limang containers ang pinag-uusapan dito at tinalo ang labingwalong containers ng Allwin Cargo mula sa Kuwait, na pinakauna naming hinawakan na reklamo sa isyu ng abandonadong balikbayan boxes.

‘Yan din ang isa sa pangunahing dahilan bakit naantala ang distribusyon nito dahil wala namang budget ang Bureau of Customs para rito.

Kaya nagdesisyon ang pamunuan ng ahensya na i-donate na lang ito sa Department of Migrant Workers para sila na ang mamahagi sa recipients nito.

Tuloy naman ang pamamahagi ng P30,000 cash assistance sa mga biktima ng tinagurian ng DMW na balikbayan box scam. Kinakailangan lang mag-file sa tanggapan ng DMW para rito.

Samantala, habang sumasakit ang ulo ng gobyerno sa problemang ito at nagdadalamhati ang mga nagpadala ng kahon ay nakalalaya pa rin ang puno’t dulo ng problemang ito, si Marilyn Canta.

Si Marilyn Canta ang may-ari ng Tag Cargo na siyang pinagtiwalaan ng ating mga kababayan sa Kuwait para sa kanilang mga padala.

Walang makapagsabi kung nasaan na itong si Canta pero may mga impormasyon tayong nakuha na ito raw ay nasa bansang Kuwait pa rin. Dahil kasal daw ito sa isang negosyanteng Kuwaiti national doon.

Dapat ipatawag si Canta ng komite sa Kamara na nag-iimbestiga sa abandonadong balikbayan boxes upang magpaliwanag kung bakit hindi na niya nabayaran ang mga deconsolidator ng mga padala niyang mga kahon sa bansa.

Dapat ding makasuhan si Marilyn Canta dahil sa perwisyong idinulot niya sa gobyerno at sa mga nagtiwala sa kanya.

28

Related posts

Leave a Comment