NAGIGING epidemic ang online child abuse dahil sa lumalalang kahirapan sa bansa kaya dapat pagsikapan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na resolbahin ang problemang ito sa lalong madaling panahon.
Ito ang iginiit ni House assistant minority leader Arlene Brosas matapos maalarma sa report ng Commission on Human Rights (CHR) na umaabot sa 2.7 million ang kasong naitala ng mga ito noong 2023.
“These numbers represent millions of Filipino children whose innocence has been violently stolen. The exponential rise in cases from 426,000 in 2019 to 2.7 million by 2023 is a damning indictment of our government’s failure to protect our most vulnerable citizens,” ayon sa mambabatas.
“Nakakabahala at nakakagalit na umabot na sa 2.7 milyong kaso ang online sexual abuse ng ating mga kabataan. Hindi ito simpleng numero lamang kundi buhay at kinabukasan ng ating mga anak na winawasak,” dagdag pa nito.
Kinumpirma din umano ng CHR na ang pangunahing dahilan kung bakit ibinebenta ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng internet ay dahil sa kahirapan ng kanilang pamilya.
Pumapangalawa lamang umano sa dahilan ang pagsasamantala ng mga tao sa mga kabataan na siyang pangunahing target ng mga parukyano ng mga ito sa ibang bansa.
“The root cause is clear: economic desperation pushes families into unthinkable situations. When parents cannot put food on the table, predators exploit this vulnerability. This is the harsh reality of anti-poir policies that prioritize profit over people’s welfare,” ayon sa lady solon.
Sa ngayon ay umiiral ang Republic Act (RA) 11930 o Anti-OSAEC Law subalit binabalewala ito ng mga magulang na gumagamit sa kanilang mga anak o kaya mga pamangkin dahil sa matinding kahirapan na nararanasan ng mga ito.
“Kailangan nating tugunan hindi lamang ang mga symptoms kundi ang ugat ng problemang ito—ang kahirapan at kawalan ng sapat na oportunidad para sa maraming pamilyang Pilipino.
Hangga’t marami ang nagugutom, magiging target pa rin ang ating mga anak,” ayon naman kay dating Congresswoman Sarah Elago.
(PRIMITIVO MAKILING)
