LIMANG kasapi ng isang dismantled guerilla front, ang napatay ng mga tauhan ng Philippine Army 3rd Infantry Division nitong Linggo ng umaga, Abril 27, 2025, sa lalawigan ng Negros Occidental matapos ang serye ng habulan at sagupaan, ayon kay Col. Erwin Rommel Lamzon, 3ID spokesman.
Kabilang sa mga napaslang si Pungkol o alyas “Putol”, ang kilabot na lider ng remnant ng Southern West Front, Komiteng Rehiyon, NCBS (Negros, Cebu, Bohol and Siquijor) sa Barangay Tapi, Kabankalan City, Negros Occidental.
Ayon sa report na isinumite ng Army 302 Infantry Brigade, bukod kay Pungkol ay may apat pang napaslang na miyembro ng communist New People’s Army kabilang ang tatlong babaeng rebelde.
Lumilitaw na natunton ng 302 IB ang lokasyon ng grupo ni Pungkol na nahati sa dalawa, ang main group at ang nagsisilbing security ni Pungkol, kaya trinabaho sila ng 47 Infantry Battalion 11 IB at 15 IB, kasama ang kanilang intel units.
“Now, itong ano na-encounter na ito, naging ano, naging apat na encounter ito kasi apparently, according to the report, parang dalawang grupo ito; dalawang lugar ‘yung pinangyarihan ng encounter. So, sa farmlands ng Tapi, Barangay Tapi, may dalawang grupo. So, ‘yung bawat isa ay nakasagupaan ng mga sundalo,” ani Lamzon.
“Habang naghahabulan at nagbabakbakan, sinuyod ng ibang unit ang encounter site at na-confirm na limang personalities, tatlong babae, tapos dalawang lalaki. Now, apparently, as of this time, uh si Ka Pungkol, Pungkol ‘yung pangalan niya, ‘yung alias nya kasi putol ‘yung kanang braso,” ayon sa tagapagsalita
Bukod sa limang bangkay ng NPA, may 6 armalite M-16 assault rifles ang nakuha sa isinagawang clearing operation.
Si Pungkol ay may nakabinbing warrant sa kasong murder.
(JESSE KABEL RUIZ)
