KAGAMITANG PANDIGMA NASAMSAM NG MILITAR

CAMP SIONGCO, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte – Nasamsam ng tropa ng 601st Infantry (Unifier) Brigade ang iba’t ibang uri ng malalakas na kagamitang pandigma sa nagpapatuloy na clearing operations ng mga sundalo sa Brgy. Mao, sa bayan ng Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur, isang araw bago ang ang eleksyon.

Ayon kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Brigade, ang pagkakarekober sa mga armas ay bunga ng sunud-sunod na clearing at combat patrol operations na isinagawa ng mga tropa, batay sa impormasyong ibinahagi ng mga residente sa lugar.

Kabilang sa mga narekober ng militar sa isinagawang operasyon, ang isang M60 General Purpose Machine Gun (GPMG), dalawang R4A3 rifles, dalawang M4 rifles, isang Bushmaster rifle, ilang magasin, iba’t ibang uri ng bala, at tatlong bandolier. Ang nasabing mga kagamitang pandigma ay maituturing na high-powered firearms na karaniwang ginagamit ng mga armadong grupo, at maaaring magdulot ng banta sa seguridad at kaayusan sa lugar ngayong halalan.

“Lubos ang aming pasasalamat sa ating mga mamamayan sa patuloy na pakikipagtulungan. Ang kanilang mabilis na pagbibigay ng impormasyon ay mahalagang bahagi ng aming kampanya para sa ligtas, mapayapa, at malinis na halalan. Nais naming tiyakin sa publiko na tanging ang mga awtorisadong sundalo at pulis lamang ang maaaring magdala ng armas sa panahon ng eleksyon.

Hindi natin hahayaang ma-intimidate ang ating mga botante sa kanilang karapatang bumoto,” pahayag ni Brig. Gen. Catu.

Samantala, pinuri ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central (JTFC), ang matagumpay na operasyon at ang kooperasyon ng mamamayan.

“Ang matagumpay na pagkakarekober ng mga kagamitang pandigma ay malinaw na patunay ng tagumpay ng whole-of-nation approach. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga sibilyan at lokal na pamahalaan, nakamit natin ang mahalagang tagumpay na ito.

Patuloy ang ating pagtutok sa seguridad, isang araw bago ang halalan, upang masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon,” ani Maj. Gen. Gumiran.

(JESSE KABEL RUIZ)

63

Related posts

Leave a Comment