ELEKSYON 2025: ABERYA, RAMBOL, KARAHASAN

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

KATULAD sa mga naunang halalan, hindi pa rin naiwasan ang aberya kahapon sa mga presinto kung saan nagaganap ang botohan. Bukod dito, nagkaroon din ng ilang kaguluhan at pamamaril na kumitil ng ilang buhay.

Ayon sa Department of Education (DepEd) Election Command Center, nakatanggap ito ng kabuuang 160 ulat mula sa iba’t ibang field offices hanggang 1:30 ng hapon ng Lunes.

Karamihan sa mga ulat ay may kaugnayan sa mga problema sa Automated Counting Machine (ACM), nawawalang pangalan sa listahan ng mga botante, at mga isyung pangkalusugan ng mga guro at personnel ng DepEd na nagsisilbing election workers.

Ayon sa DepEd, agad tinutugunan ang mga insidente sa tulong ng COMELEC, Philippine National Police (PNP), at iba pang ahensyang katuwang upang matiyak ang maayos, ligtas, at tapat na halalan.

ACM Machine Binasa

Nagdulot ng pagkabalam ng botohan ang pagkabasa ng isang automated counting machine (ACM) matapos buhusan ng tubig ng poll watcher sa isang polling precinct sa Marawi City.

Bagaman nakaresponde agad ang mga pulis ay nakatakas umano ang poll watcher.

Base sa paunang ulat, nagtalo ang dalawang poll watcher at sa galit ng isa ay binuhusan nito ng tubig ang makina dahilan para ito masira.

Pansamantalang nahinto ang pagboto sa lugar at ipinagpatuloy lamang nang dumating ang kapalit na counting machine.

2 Patay Sa HQ Ng Kandidato

Patay naman ang dalawang lalaki habang sugatan ang pitong iba pa makaraang pagbabarilin habang nakatayo sa harapan ng isang political headquarters sa Silay City, Negros Oriental.

Ayon kay Police Regional Office-Negros Negros Island Region, Brigadier General Arnold Thomas Ibay, bandang alas-7:00 ng umaga habang nakatayo ang mga biktima sa Sitio Ipil-ipil Brgy. Mambulac ay bigla silang pinagbabaril ng mga suspek na sakay sa isang van.

Natukoy ang mga biktima na volunteers ng Team Ugyon at minomonitor nila ang headquarters ng Team Asenso nang maganap ang krimen.

Isinugod sa Teeresita Jalandoni Provincial Hospital ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival sina Ronie Piedad at Albert Salimbot.

Patuloy namang nilalapatan ng lunas ang mga nasugatan.

Isa sa mga suspek ay kinilalang si Arnie Benidecto, kapitan ng Barangay Lantad, Silay City.

Habang sinusulat ang balitang ito ay naka-kordon na ang sinasabing headquarters ng Team Asenso at hinihintay ng kapulisan ang paglabas ng search warrant upang pasukin ito dahil dalawa sa mga suspek ay doon umano nagtatatago.

Rambol sa Maguindanao

Nagkaroon din ng kaguluhan sa labas ng voting precinct sa Pagalungan, Maguindanao del Sur nang magpang-abot ang ilang kalalakihan.

Nakunan ng video ang girian ng ilang kalalakihan sa Buliok Elementary School.

Makikita sa video na bigla na lang naghabulan ang mga nagtatalong lalaki. Sa takot ng ibang botante ay nagtakbuhan din ang mga ito kaya nawala sa pila. May ilan namang dumiretso na ng bahay at hindi na bumoto sa takot na mas lumala ang kaguluhan at madamay.

Nagawa namang mapahupa ng mga pulis at sundalo ang mga nag-aaway.

Habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa tukoy kung ano ang pinagmulan ng gulo.

PDLs Bumoto Rin

Nagkaroon din ng pagkakataong lumahok sa 2025 midterm election ang maraming persons deprived of liberty (PDLs) mula sa iba’t ibang kulungan at penal farms sa bansa.

Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), nasa 4,125 PDLs ang rehistradong botante, sa bilang na ito 2,135 ay mula sa New Bilibid Prison (NBP). Kabilang din sa mga lugar na may mga botanteng PDL ay ang Davao Prison and Penal Farm (924), Leyte Regional Prison (421), San Ramon Prison and Penal Farm (290), at Iwahig Prison and Penal Farm (140).

Mayroon ding 123 botante sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong at 92 mula sa CIW-Mindanao.

Ang mga pinapayagang bumoto na PDL ay iyong mga kasalukuyang nililitis, may sentensiyang kulang sa isang taon, at ang mga may kasong maaaring i-apela pa o may kaugnayan sa rebelyon, sedisyon, o mga krimen laban sa pambansang seguridad.

Higit 68M Botante

Sa talaan ng Comelec, aabot sa 68.43 milyong Pilipino ang inaasahang lalahok sa botohan kahapon.

Sa bilang na ito, 4.3 milyon ang mga unang beses na boboto sa national elections ngayong taon.

Pinunan sa katatapos na halalan ang national position na kinapapalooban ng 12 senador at isang party-list habang sa local position, kabilang sa mga ibinoto ang manunungkulan sa Kongreso, gobernador, bise-gobernador, mga miyembro ng provincial board, mayor, vice-mayor, at mga konsehal (depende sa lungsod o bayan).

(May dagdag na ulat si TOTO NABAJA)

93

Related posts

Leave a Comment