PHOTOCOPY O E-DOCUMENTS TATANGGAPING EBIDENSYA – SC

NILINAW ngayon ng Supreme Court na ang duplicate o photocopy ng original documents, maging ito man ay papel o electronic ay pwedeng tanggapin sa korte bilang ebidensya.

Gayunman, kailangan na walang pag-aalinlangan o pagdududa sa original authenticity nito.

Batay sa Supreme Court decision na pinonente o isinulat mismo ni Chief Justice Alexander Gesmundo ay pinagtibay ng First Division ang conviction ni Ybo Lastimosa sa kasong murder o pagpatay kay Ildefonso Vega, Jr. kung saan ginamit ang photocopy ng death certificate ni Vega bilang pangunahing ebidensya.

Nabatid sa isinagawang pagdinig sa kaso ay pinatunayan ng mga testigo na si Lastimosa ang bumaril kay Vega habang nasa labas sila ng sabungan sa Cebu City.

Sa testimonya naman ni Mrs. Vega ay iginiit nito na patay na ang kanyang mister nang datnan niya sa ospital at para masuportahan ang kanyang salaysay ay isinumite ng prosecution sa korte ang photocopy ng death certificate, na nagsasaad na mga tama ng bala sa ulo at leeg ang sanhi ng pagkamatay.

Napatunayan naman ng Regional Trial Court na guilty si Lastimosa sa kasong homicide at ang pinagbasehan ay ang isinumiteng photocopy ng death certificate.

Makaraan ang apela ay itinaas ng Court of Appeals ang conviction mula sa homicide ginawang murder dahil napatunayan patraydor ang ginawang pagpatay.

Samantala, nilinaw ng Supreme Court na kapag iniapela ang isang kaso partikular ang criminal conviction ay ituturing o ikokonsidera na ito bilang reopened case o muling bubuksan at magsisimula muli sa umpisa ang imbestigasyon.

Iginiit ng Korte Suprema na ito ay para mabigyang pagkakataon at sapat na panahon ang hukuman na ma-review o mas mabusisi nang husto ang lahat ng aspeto at maaaring mapatawan pa ng mas mabigat na parusa ang nagkasala.

Inihalimbawa ni Associate Justice Antonio Kho Jr. ang isang insidente na ibinasura ng Supreme Court En Banc ang apela ng akusado.

Ito’y matapos napatunayan ng Korte Suprema na siya ay guilty sa kasong attempted rape sa kanyang 16 yrs old na anak, sa halip na unang kasong unjust vexation lamang kaya pinatawan siya ng mas mabigat na parusa.

(JULIET PACOT)

95

Related posts

Leave a Comment